Una sa Balita

PCOO hindi nagbayad ng ads sa Mindanao media company

By
0 30

Umaalma ang ilang media company sa Minda­nao na umano’y hindi binayaran ng Presidential Communication­s Operations Office (PCOO) sa mga ‘advertorial’­ o advertisement na mistulang lehitimong balita na ipinasa nito halos kalahating taon na.

Nabatid na bumili umano ng espasyo ang PCOO upang mailabas lamang ang mga balita ukol kay Sec. Martin Andanar, ang pinuno ng naturang tanggapan, dahil­ hindi naman ito inilalabas ng mga newspaper outlets.

Ayon sa isang impormante na nagreklamo sa Abante, P1,000 bawat balita ang ibabayad ng PCOO sa mga pahayagan at may plano pa umanong bumuo si Andanar ng ‘media group’ sa Mindanao, Visayas at Luzon na kinabibilangan diumano ng mga editors at publishers bilang consultant nito upang masiguradong lalabas lahat ang balita ukol sa kanya.

Sa alok ng PCOO na P8,000 bawat buwan sa mga consultant nito ay dapat umanong ilabas ang mga opinion piece at balita at larawan ni Andanar sa mga pahayagan. Bukod pa ito sa mga bayad sa bawat advertorial na ikakarga ng pahayagan.

Sinabi pa ng impormante na bukod umano sa mga pahayagan sa Mindanao, ay may mga iba pang kinausap ang kinatawan ng PCOO sa mga editors at publishers sa Visayas at Luzon na hindi rin binayaran hanggang ngayon.