Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

PCGG malamang buwagin! P328B atraso ng pamilya babu kay Marcos Jr – Carpio

0 222

Nangangamba si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na posibleng tuluyan nang mabalewala ang P328 bilyong halaga ng nakaw na yaman at utang sa buwis ng pamilya Marcos kapag nanalo umano si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang bagong pangulo ng bansa sa Mayo.

Sa idinaos na 1Sambayan TAPATan media forum, sinabi ni Carpio na may posibilidad pang ipabuwag ni BBM ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na siyang pangunahing itinalaga para mabawi ang mga yaman na ninakaw ng pamilya Marcos, kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Ang PCGG ang unang binuo ng yumaong si da­ting Pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino sa bisa ng Executive Order No. 1, matapos siyang maluklok sa kapangyarihan makaraan ang People Power 1 upang mabawi ang ninakaw umanong mga yaman ng pamilya Marcos.

Idinagdag ni Carpio na hindi na niya inaasahang mababawi pa ang P125 bilyon na nakaw na yaman ng mga Marcos kapag nanalo sa eleksiyon si Marcos Jr.

Bukod dito ay umaabot pa umano sa P203 bilyon ang utang ng pamilya Marcos sa buwis.

Patuloy umanong tumatanggi si Marcos Jr. na bayaran ang nasabing utang sa buwis ng kanilang pamilya at tuluyan na itong mabubura kapag ito na ang nakapuwesto.

“If he becomes president, lalo na. Goodbye na ‘yan. That P203 billion, if you do not collect that in five years, you do not even send a demand letter that prescribes, hindi mo na makolekta ‘yan,” giit ni Carpio.

Leave A Reply

Your email address will not be published.