Una sa Balita

PCC harap-harapang binabastos — Win P55M multa inismol ng Grab

0 301

SA laki ng kinikita ng ride-hailing platform Grab Philippines, hindi na sila natatakot sa multang pinapataw ng Philippine Competition Commission (PCC), ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sabi nito, nitong nagdaang dalawang taon, limang beses na umanong itong pinagmulta ng PCC.

Sa loob lamang ng isang taon, higit P55 mil­yong multa na ang pinataw ng PCC kung saan nitong Nobyembre ay P23 milyon, at P16 milyon naman ngayong Disyembre.

“Tinitingnan ko kung bakit sila pinagmumulta, ang sabi ng PCC, dahil nawala na ang Uber, dapat gumawa kayo ng mga hakbang na hindi pang-aabuso sa ating mga pasahero,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on trade and industry.

Paniwala nito, naliliitan lang ang Grab sa multa sa kanila ng PCC kaya patuloy lang ang paglabag nito sa panuntunan sa fare setting scheme na ibinibigay sa kanila.

“Ang nangyari, hindi nila sinunod ‘yun kaya ang PCC, pinagmumulta sila ngayon. Ang tingin ko dito, naliliitan sila sa multa eh dahil nga may 93% sila of the market, monopoly na sila parang sinasabi nila na kahit na magmulta kami araw-araw, dahil kami naman ang may control ng merkado, okay lang,” pahayag ni Gatchalian.

“Kaya nakita ko ang multa ay maliit at hindi nakakasakit sa Grab kaya paulit-ulit na lang ang kanilang violation sa PCC. Pang-aabuso na talaga ang ginagawa,” dagdag pa nito.

Pinasisilip din ni Gatchalian sa LTFRB ang ginawang price surging ng Grab dahil hindi na aniya makaturangan ang napakataas na singil nito ngayong holiday season.

Pinapayagan aniya ang Grab na doblehin ang pasahe, pero ang lumalabas ngayon ay parang triple o quadruple na ang tinaas ng kanilang pasahe.
“Unang-unang hakbang ay dapat imbestigahan ito ng LTFRB dahil meron tayong pricing scheme na puwedeng i-charge ng Grab sa ating mga pasahero,” pahayag ni Gatchalian.

“So ibig sabihin, nakasaad dito kung magkano lang ang puwedeng singilin sa pasahero,” dagdag pa nito.

Kung nagkaroon naman umano ng shortage o pagkukulang sa mga driver tulad na iginigiit ng Grab, sinabi ni Gatchalian na may kaukulang pricing scheme para dito. (Dindo Matining/Eileen Mencias)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More