PBA POW: Yap balik sa dating porma

By

Nagpakondisyon nang todo si two-time Most ­Valuable Player (MVP) James Yap sa conference break kaya naman pakitang gilas agad ito para ita­guyod ang Rain or Shine sa back-to-back wins sa 2017 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup.

Tumikada si 6-foot-2 Yap ng 26 puntos sa conference opener noong ­Biyernes upang kaldagin ng Elasto­ Painters ang NLEX, 113-105.

Kumana ng 12 puntos nang talunin ang Mahindra noong Linggo para ­ilagay ang Rain or Shine sa tuktok ng team standings kapit ang 2-0 karta.

Nagtala si Yap ng ave­rages na 19.0 points at 3.0 ­rebounds sa mid-season conference sapat upang tangha­ling unang Accel-PBA Press Corps Player of the Week para sa buwan ng Marso 17 hanggang 19, ­inungusan niya ang magkakamping sina Baser Amer at Chris Newsome ng Meralco sa nasabing citation.

Sinandalan ng Elasto Painters ang limang treys na pinukol ni 35-year-old Yap kasama ang step-back ­triple para iwanan ang bantay na si Bradwyn Guinto at itakas ang panalo laban sa Road Warriors.

“I felt last conference, his (Yap) knee wasn’t that good pa, pero nu’ng offseason medyo maganda takb­o niya sa practice,” pahayag ni Rain or Shine coach Caloy Garcia. “He comes early­, shoots the ball, nagda-­dunk pa sa practice to show he’s healthy.”

Ilang araw magpapahinga ang Rain or Shine bago bumalik sa laro at siluhin ang three-game winning streak laban sa Blackwater sa darating na Linggo sa Ynares ­Center sa Antipolo.


SHARE