PBA: PAINTERS BUHAY PA SA TOP 4

By

Tinabas ng Phoenix Petroleum ang second quarter 18-point lead ng Rain or Shine, pero naka­bawi ang Elasto Painters sa tamang oras para pinturahan ang 116-111 decision sa inaalat pa ring Fuel Masters kagabi sa Ynares Center sa Antipolo.

Buhay na buhay pa ang RoS sa karera para sa anim na silyang ­nalalabi sa quarterfinals at ma­ging sa Top Four ­finish na twice-to-beat sa playoffs ng PBA Governors Cup.

Humagod si J’Nathan Bullock ng team-high 33 points na pinalawitan pa ng eight rebounds, four assists, three steals at one block sa 39:14 job para maitayo ang E-Painters mula sa 103-96 loss anim na araw na ang nakararaan.

May krusyal na 25 points at 11 rebounds din si Raymond Almazan, bumakas ng 17 points off-the-bench si Gabe Norwood at nag-ambag si Jericho Cruz ng 14-puntos para sa 5-3 win-loss ng RoS, sinaluhan sa triple-tie sa fourth place sa standings ang San Miguel Beer at TNT KaTropa.

Bumulwak si Matthew Wright ng game-best 36 points, naka-33 at 20 si Brandown Brown sa Phoenix.

Pero wala na silang nakuhang ayuda sa iba pang teammates para sa eighth consecutive defeat at sinamahan na sa hukay ang Kia (0-9).

“We’re lucky we won the game,” bulalas ni coach Caloy Garcia. “We started strong, but our energy was down in the third quarter. If we are to go further this confe­rence, we have to see our mistakes in the third.”

Three-pointer ni Cruz sa 2:56 ng second frame ang nagpadistansya sa Painters ng 18, 54-36.

Pero naagaw pa ng Fuel Masters ang trangko sa alley-oop ni Wright 4:32 ng third stanza, 72-71, tapos isara nito ang nakakangilong 36-17 blast bago nagising ang RoS.

SHARE