Una sa Balita

PBA nilalangaw, delikado sa MPBL! Prangkisa sumipa ng 2,000% sa P10M

Special Report

By
0 2,978

MAAARING maaga pa para magsalita nang tapos, pero sa tinatakbo ng musika ng semi-professional Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), kung magtatagal-tagal pa, ang bagong liga na nga ang bagong banta para patumbahin ang higanteng pro Philippine Basketball Association (PBA).

Madadamay rin ang farm league ng PBA o semi-pro ring Deve­lopmental League o D-League.

Sinubukang hingan ng komento ng Abante si PBA commissioner Wilfrido ‘Willie’ Marcial kahapon.

“Pare nasa Taipei pa ko,” tugon niya sa text message ng Abante kahapon.

Tinanong ng paha­yagang ito sa kaniya ang nilalangaw ng mga laro sa nasa home-stretch nang PBA Commissio­ner’s Cup eliminations, at ang pakarampot na pakarampot na lang sa anim na mga kasaling team sa PBA D-League mula sa dating average na 10.

Kabaligtaran sa nagaganap na may limang buwan pa lang at nasa pangalawa nilang komperensyang MPBL ni Sen. Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao, dinudumog ng mga manonood sa kanilang mga laro sa loob at labas ng Metro Manila.

May 43 taon na ang PBA sa kanilang kasalukuyang dinaraos na 2017-18 season samantalang nasa walong taon na ang 2017-18 PBA D-League.
Sa marami, nanawa na anila sila dahil sa iilang naglalaban-laban sa PBA gaya ng mga sister team. Sa MPBL, pukpukan dahil lahat magkakaribal na patuloy na nagpapasikat sa bagitong liga.

Sa obserbasyon naman ng ilan, ang pagbulusok anila ng D-League ay ang palpak nitong TV coveror na ESPN5 ni Manuel Pangilinan.

Umangat agad ang MPBL nang mula sa 6 teams sa pre-season na pinagharian ng Bulacan Kuyas, naging 10 sa inagurasyong komperensiyang Anta Rajah Cup na kinopo ng Batangas City Athletics sa franchise fee na P500,000.

Sa kasalukuyang 2nd conference, nasa 26 squad ito na at agad tumaas ang halaga ng prangkisa sa P10-milyon, ayon kay league commissioner Kenneth Duremdes.