Una sa Balita

PBA babalik sa Setyembre

0 392

ISASAILALIM ng Philippine Basketball Association (PBA) ang lahat ng koponan sa kinakailangan na testing para sa coronavirus o COVID-19 upang masiguro nito ang kaligtasan at maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit habang naghahanda na makabalik ang liga sa Setyembre.

Ito ang sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial habang naghahanda sa unti-unting pagbabalik ng liga matapos na itigil nito ang pang-unang komperensiya na Philippine Cup.

“Hinihintay pa rin natin kung kailan pupuwede na makapag-ensayo ang isang buong team. Ngayon kasi ay hanggang 10 katao lang ang puwede sa isang gathering,” paliwanag ni Marcial.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa masigurado kung maipapatupad ng tuluyan ang unti-unting pagpapababa sa mga quarantine rules matapos na magbanta ang Malakanyang na ipapatupad nitong muli ang Enhanced Community Quarantine kung tataas ang bilang ng mga magpopositibo dahil sa biglaang paglabas ng mga tao.

Naghahanda din ang PBA ng mga sarili nitong guideline at protocol sa pagnanais na maisagawa at makumpleto kahit man lang isang komperensiya sa ika-45 nitong taon.

Matatandaan na nagdesisyon ang pamunuan ng PBA na ilagay sa indefinite suspension ang liga matapos maganap ang biglaang paglaganap ng COVID-19. (Lito Oredo)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More