Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Upang malagpasan ang nakaraan

By
0 6

Dear Kuya Rom,

Nahuli ko ang aking asawa na nagtataksil sa akin. Nagulo ang buhay namin. Nakakagalit, pero nagpigil ako ng galit.

Mahal ko siya, kaya pinatawad ko siya. Kaming dalawa ay humingi ng payo sa isang marriage counselor, kaya hindi lumaki ang problema. Two years na ang lumipas, at sa awa ng Dios, nagsasama pa rin kaming mag-asawa.

Limang tao lang ang nakakaalam sa nangyari, ang counselor, ako at ang misis ko, ang lalaki at ang misis niya. Hindi alam ng mga pamilya at kaibigan namin ito.

Kaming mag-asawa ay nangako sa isa’t isa na gagawa kami ng adjustment upang malagpasan namin ang masamang nakaraan. Pero mahirap, dahil ang lalaking nakarelasyon ng misis ko ay best friend ng kuya niya. Kapitbahay namin.

Ang isang malaking adjustment na ginawa namin ay ipagbili ang bahay namin at lumipat kami ng ibang tirahan upang mailayo ang misis sa tukso, at maiwasan ko ring makita ang lalaki. May hinuhulugan kaming bagong bahay at lupa. Dito kami nakatira ngayon.

Kaso, ang pamangkin ng misis ko na anak ng kuya niya ay malapit nang ikasal. Siyempre, espesyal na okasyon ito, at kailangan kaming mag-asawa na dumalo.

May kutob akong imbitado rin sa kasal ang lala­king ayaw kong makita ang pagmumukha. Inihahanda ko ang sarili ko. Kapag dumalo siya, siguro aalis na lang ako. Pero hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ng misis ko at ang pamilya nila, lalo na ang kuya niya at ang pamangkin niya.

Nag-iisa akong haharap sa pagsubok na ito. Anong mabuting gawin? — Norman

Dear Norman,

Hindi ka nag-iisa, kasama mo ang Dios at ang asawa mo. Kayong dalawa ng misis mo ay nagkasundong gagawa ng adjustment kung kinakailangan upang maiwasan ang gulo at mapanatiling matibay ang inyong pagmamahal sa isa’t isa.

Ang pag-ibig ninyong mag-asawa ay sinisira ng demonyo. Lumaban ka. Magpakatatag ka.

Kung may pagkakataong ikaw ay magpakalalaki, ito ang panahon. Bilang lalaki, ikaw ang pinuno ng pamilya, at ikaw ang nagbibigay ng proteksyon sa misis mo. Ikaw ay tumata­yong tagapagtanggol ng asawa mo. Ipagtanggol mo siya sa demonyo. Huwag mong hahayaan ang misis mo na matukso at magkasalang muli.

Bago dumating ang araw ng kasal, gumawa kayong mag-asawa ng adjustment: (1) Sa wedding ceremony, tiyaking malapit kayo sa pamilya ng kuya ng misis mo, panatilihing nakatuon ang mga mata ninyo sa seremonya, at hindi patingin-tingin sa mga tao.

(2) Alamin ninyo in advance ang table assignment ng mga wedding guests, at tiyakin ninyo na malayo kayo sa mesa at upuan ng lalaking nakarelasyon ng misis mo.

Hawakan mo lagi sa kamay ang misis mo. Lagi kayong magkadikit. Ipakita ninyo sa demonyo na wala siyang kapangyarihang wasakin ang inyong relasyong mag-asawa.

Ipakita ninyong ma­tatag ang inyong pag-iibigan sapagkat kakampi ninyo ang Dios.
Norman, may God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom