Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Sugarol

0 7

Dear Kuya Rom,

Mahal ko siya sapagkat siya ay mabait at mapagmahal. Bago kami ikinasal, nagtapat siyang sugarol siya at may malaking utang siya, kaya wala siyang pera para sa kasal namin. 

Ako ay may maliit na negosyo na may magandang kita araw-araw. Sapagkat namumuhay ako ng simple lang, hindi ko problema ang pera. Dahil sa pag-ibig, sinagot ko ang lahat ng gastos, at natuloy ang kasal namin. 

Mayaman ang kanyang mga magulang. Nangako silang babayaran ako sa lahat ng gastos sa kasal.

Pero nang magbabayad na sila, may dagdag na kondisyon na kailangang gawin naming mag-asawa. 

Naging mabigat ito sa aming mag-asawa na naging ugat ng aming pag-aaway. Para matigil ang gulo, sinabi ko sa kanyang mga magulang na hindi naming kayang gawin ang kondisyon nila, kaya huwag na akong bayaran pa.

May trabaho ang mister ko, huminto siya sa pagsusugal, kaya naka­bayad din siya sa kanyang mga utang.

Tapos, nagsimula siyang mag-impok sa bangko para sa pamilya namin. Natuwa naman ako, kasi may anak na kami.

Pero ilang buwan lang ang lumipas, bumalik siya sa pagsusugal, at nagkautang na naman siya.

Sabi ko, hindi ko siya tutulungan sa kanyang utang, pero mahal ko siya at handa akong balikatin ang lahat na pangangailangan ng pamilya namin. 

Dahil dito, nangako siyang hihinto na pagsusugal. Sumali siya sa rehab para magbago. Nakikita ko ang pagbabago.

Pero hindi siya nagbabayad ng kanyang utang, kasi umaasang tutulungan siya ng kanyang mga magulang.

Mayaman sila, pero hindi tinutulungan ang kanilang anak. Wala silang pagmamahal sa mga anak. Sila ay makasarili. Kaya umiiwas akong makita at makausap sila. 

Kuya, sa pagdaan ng mga araw, nabibigatan ako. Paano ko malalagpasan ang lahat ng ito? — Erly

 

Dear Erly,

Mapalad ang mister mo sa pagkakaroon ng asawang katulad mo, sapagkat ikaw ay babaeng mapagmahal, maunawain, matulungin, marunong na manindigan, at may lakas na tumayo sa sariling paa. 

Ang kabigatang nadarama mo ay may dahilan, nag-uugat sa nakatagong sama ng loob mo sa mga magulang ng iyong mister.

Patawarin mo sila sa pagiging makasarili nila, at gagaan ang iyong dibdib. Patawarin mo rin ang iyong asawa sa kanyang mga kahinaan; ito ay makakatulong upang maging ganap ang kanyang pagbabago.

Ang pagpapatawad ay magbibigay sa iyo ng layang lasapin ang kagandahan ng buhay na regalo sa iyo ng Dios.

Binigyan ka Niya ng malinaw na pag-iisip at matatag na pagkakakitaan, kaya ipagdiwang mo ang lahat ng mga pagpapalang ito ng may pasasalamat sa Kanya. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom