Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Parang bombang sumabog

By
0 114

Dear Kuya Rom,

Nagkakilala kami sa gym sa Alabang. Four years na naging ­girlfriend ko siya. Bago ­dumating ang araw ng ­aming kasal, kinukulit niya ako. Nagpapaalam, humihingi siya ng pahintulot na payagan ko siyang lumabas kasama ang mga ibang ­kaibigan niyang lalaki. Ginagawa raw ito ng mga kaibigan niya sa America, Australia, at Canada.

Ang sabi ko, hindi lahat ng bagay na ginagawa ng iba ay kailangang gayahin. Nakakapagod ang kanyang pangungulit. Pero hindi ako pumayag.

Natuloy ang kasal namin. Maligaya ako ­‘pagkat nagkatuluyan kami. Dumaan ang mga araw na walang problema. Natuwa ako, at para matuwa siya, nagplano ako ng dinner date para sa first wedding ­anniversary celebration namin.

Sa araw na ito, nagtapat siya sa akin. Lihim na ­nakipagrelasyon siya sa isang lalaki dalawang ­buwan bago kami ikinasal. Parang bombang sumabog sa harap ko ang sinabi niya. Nasaktan ako, pero mahal ko siya, kaya pinatawad ko siya.

Tatlong taon na kaming nagsasama ngayon. May isang anak na kami. Kaya lang, nawawala na ang init ng pag-ibig namin. Bihira kaming magsiping. Pagdating sa sex, madalas na tumatanggi siya. Sabi ko, kung kailangan niyang magpatingin sa doctor, ­sasamahan ko siya.

Bumabalik sa aking isip ang kanyang pagtataksil. Pero ayaw kong isiping nakikipagkita siya sa ibang lalaki ngayon.

Kapag tinatanggihan niya ako, nasisira ang araw ko. Nagiging mainitin ang ulo ko. Naiiba na ang ­takbo ng isip ko.

Tinigilan ko na ang pagpunta sa gym. Parang walang kabuluhan ang pag-aalaga ng katawan. ­Parang nawawalan na ako ng ganang mabuhay. Anong gagawin ko? — Benny

Dear Benny,

Sana ang pangungulit niya noon sa iyo na payagan mo siyang sumama sa ibang lalaki dahil ginagawa ito ng marami sa ibang bansa ay naging babala sa iyo na nagsasabing siya ay madaling matangay ng agos ng mundo, at hindi siya tumatanggap ng responsibilidad. Marahil, para sa kanya, ang kasal ay isang pirasong papel lamang, walang kalakip na responsibilidad.

Ngayong asawa mo na siya, mukhang ­nauulit ang nakaraan, hindi tinatanggap ng asawa mo na tungkulin niyang tugunan ang pangangailangan ng iyong katawan, at malaya siyang tanggihan ka. ­Malalim ang ugat ng lahat ng ito, at posibleng hindi niya ­sasabihin sa iyo.

Mainam na humingi kayo ng marital ­counseling sa isang mapagkakatiwalaang pastor para ­magabayan kayo sa paglutas ng panlalamig na ito. Nawa’y makadalo kayong mag-asawa sa Couple’s ­Conference. Marami kayong matututunan dito upang uminit ang inyong pagmamahalan. Para makapagpatala, tumawag sa telepono 772-3035.

Patuloy mong mahalin at patawarin ang iyong misis. Humingi ka ng lakas mula sa Diyos. ­Idalanging tulungan ka Niyang mapagtagumpayan mo ang pagsubok na ito. Ipagkatiwala mo sa Kanya ang lahat. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More