Una sa Balita

Para makapagbago

By
0 18

Dear Kuya Rom,

Pakitago mo na lang ako sa ngalang Daniel. Siya ay kaibigan ko mula pa nang bata kami hanggang sa high school. Kapitbahay namin ang pamilya niya. Ako ay nag-enrol sa isang university sa Manila, at siya naman ay pumasok sa computer school, kaya hindi na kami madalas na nagkikita. Nabigla ako nang malaman ko mula sa kapatid niya na siya ay drug addict na ngayon.

Natatakot ang pamilya niya na baka mahuli siya ng mga pulis sa kanyang pagdodroga. Ang sabi nila, siya ay addict na talaga na kahit mahal o mura ang drug na nabibili niya, sinusunggaban niya ito. Kaya hindi na siya binibigyan ng pera ng kanyang mga magulang. Nagrerebelde siya sa kanila. May bago raw siyang barkada ngayon na anak-mayaman. Kasama niya ito sa pagdodroga.

Siyempre, concern ako sa kanya. Kaya isang araw ay kinausap ko siya tungkol sa addiction. Dito nagsimula ang hindi magandang pakitutungo niya sa akin. Ang tingin niya sa akin ay kalaban niya. Para sa kanya, hindi na niya ako kaibigan. Harapang tinapos niya ang pagkakaibigan namin.

Ako ay working student ngayon.

Gusto ko kasing maging maluwag sa parents ko ang kaperahan namin. Nalaman niyang may trabaho na ako, at hindi ko makita ang dahilan kung bakit sinisiraan niya sa Facebook ang business kung saan ako nagtatrabaho. Parang ayaw niyang makitang masaya ako sa ginagawa ko.

Para sa akin, kaibigan ko pa rin siya. Hindi nagbago ang pagtingin ko sa kanya kahit iba na siya ngayon.

Kinakaibigan ko pa rin siya. Ayaw kong lumalala ang hindi namin pagkakasundo at maging dahilan ito ng lalong pagkakalulong niya sa droga.

May pag-asa pa bang maibalik ang pagkakaibigan namin? Paano ko matutulungan siya para makapagbago at makawala siya sa pagiging addict sa droga? – Daniel

Dear Daniel,

Maliwanag na magkaiba kayo ng landas na tinatahak ngayon. Pinalalawak mo ang iyong kaalaman sa buhay sa pamamagitan ng iyong pag-aaral at pagtatrabaho, samantalang pinakikitid niya ang kanyang pananaw sa buhay at nakatuon lamang siya sa isang bagay ngayon — sa droga.

Tama ang iyong ginagawang hindi pagtalikod sa kanya bilang iyong kaibigan. Sa ngayon, huwag mong igiit sa kanya ang prinsipyo mo. Idalangin mong mabuksan ang kanyang isipan, mapansin niyang papunta siya sa kapahamakan, at magkaroon siya ng tapang na iwasan ang landas na ito.

Mainam na kaibigan pa rin ang turing mo sa kanya. Pero kung seryoso siya sa kanyang pagputol sa inyong pagkakaibigan, tanggapin mong ito ang gusto niya at mabuting igalang mo ang kanyang desisyon. Bigyan mo siya ng layang magdesisyon para sa kanyang sariling buhay.

Paano mo siya matutulungang makapagbago? Ang pagbabago ay isang personal na desisyon, kaya huwag mong sisihin ang iyong sarili kung lalo siyang malulong sa pagiging addict.

Sa kasalukuyan, pinili niyang buhay na ito, abala siya sa droga, kaya hindi pa niya nakikita ngayon ang kahalagahan ng pagbabago.

Nalulunod siya sa anumang dulot na ligaya ng droga ngayon, at hindi niya hinahangad na magbago ang nararanasan niya ngayon, kahit ang totoo ito ay makakasama sa kanya sa kalaunan.

Pero may isang mahalagang bagay na magagawa ka. Hayaan mong ang kanyang mga magulang ang tumulong sa kanya.

Ibalita mo sa kanila na may pag-asang makawala sa pagiging sugapa sa droga ang iyong kaibigan. Ibigay mo sa kanila ang website address na ito: glorioushope.org.ph. Ipanalangin mong sa takdang panahon, tutulungan ng Diyos ang iyong kaibigan para siya makapagbago at bumalik ang inyong magandang pagtitinginan, God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom