Una sa Balita

Nagpaparamdam

By
0 23

Dear Kuya Rom,

Ako ay 18 years old nang una akong mag-aral sa Manila. Tumira ako sa isang apartment. Dito ko nakilala ang isang very attractive lady na malapit nang magtapos. Four years ang tanda niya sa akin, pero naging magkaibigan kami.

Ang friendship namin ay lumalim kasi tuwing weekend may date kami. May araw na nagpaparamdam akong may feelings ako sa kanya, pero dedma lang siya.

Nagtapat ako sa kanya na in love ako sa kanya, at ngumiti siya. Ang sabi ko sa kanya, seryoso ako sa pagmamahal ko sa kanya at umaasang may pagmamahal din siya sa akin. Walang siyang sagot, pero niyakap niya ako. Sa tuwa ko, nahalikan ko siya.

Niyaya niya ako sa loob ng apartment niya. Mag-isa lang siya noon, at ginamit namin ang pagkakataon. Kami ay maligayang nagsiping. Inamin niyang hindi na siya virgin, at sabi niya kasalanan ang ginawa namin. Parang natauhan ako.

Nag-text siya na mag-ingat kami. Ayaw niyang mahuli kami ng iba at maging usap-usapan kami ng mga tao. Dumaan ang mga araw, nag-aral ako, at nawala sa isip kong graduating na siya at aalis na siya. Nang magpaalam siya papauwi sa Cebu, nalungkot ako.

Hinintay ko siyang mag-text, pero wala siyang text sa akin. Ako ang nag-text sa kanya at kinamusta ko siya. Ang reply niya, okay lang siya, abala sa trabaho niya. Sabi ko, maligaya ako para sa kanya.

Naglambing ako at sinabing ang matamis na karanasang nangyari sa amin ay simula ng magandang buhay. Nagpaparamdam akong nakatingin ako sa future naming dalawa at sana’y magpatuloy ang relationship namin kahit siya ay nasa malayo.

Ang sagot niya sa text ko ay tungkol sa pag-aaral ko at sa ganda ng Cebu, at wala siyang sinabi tungkol sa future namin. Ito ba ay pahiwatig na maging magkaibigan na lang kami? Hindi ba puwedeng dugtungan ang nakaraan namin? — Andy

Dear Andy,
Posibleng hindi siya handang pag-usapan ang kinabukasan sapagkat nakatuon siya sa kasalukuyan. Nakikita niyang malaki ang pagkakataong umasenso siya sa kanyang trabaho sapagkat malaki ang pag-unlad ng ekonomiya sa Cebu ngayon.

Ituring mong pagpapakita niya ng pagmamahal at malasakit sa iyo ang text niya tungkol sa iyong pag-aaral.

Obviously, gusto niyang makatapos ka at nais niyang ang pag-aaral ang unahin mo. Ang iniisip niya ay future mo. Ang sagot niya sa text mo ay nagpapakitang hindi siya nagmamadaling pag-usapan ang future ninyong dalawa.

Maaaring nakokonsensiya siya sapagkat napagwari niyang ang nakaraan ay isang pagkakamali o imoralidad na kanyang pinagsisisihan. Hindi niya iniisip ito ngayon sapagkat nakatuon siya sa kanyang trabaho sa kasalukuyan.

Mabuting suportahan mo siya sa kanyang ginagawa ngayon. Ito ay para magkaroon siya ng matatag na job experience na magbubukas ng pintuan sa kanya para makapagtrabaho sa isang mas malaki at mas maunlad na kompanya.

Idalangin mong gabayan siya ng Diyos at maging matagumpay siya sa kanyang trabaho ngayon. Hingin mo sa Diyos na magkaroon siya ng pagkakataong makapagtrabaho sa Manila, magkita kayong muli, dugtungan ang naputol ninyong matamis na pagtitinginan, at maging maligaya sa isang malinis na pag-iibigan. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom