Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Mapangbiktima

By
0 6

Dear Kuya Rom,

Itago mo ako sa pa­ngalang Oksana. Naging kaibigan ko siya sa Facebook, at naging ‘friend’ ko rin ang mga kaibi­gan niya at ang girlfriend niya. Parang ordinaryong ginagawa ng mga kabataan ito ngayon, ginagamit niya ang social media para maging malapit siya sa ibang babae. Siya ay mapangbiktima.

Nalaman niyang wala akong boyfriend. Inumpi­sahan niyang makipag-chat sa akin at nililigawan ako. Ang ginagawa ko kung alam kong may girlfriend ang isang lalaking pumoporma sa akin, binabara ko agad. Pero hindi ko siya binara, hinayaan ko lang siya.

Nagpatuloy siya sa pakikipag-flirt niya. Na­ging daan ito para sabihin sa akin ang gusto niya na parang girlfriend o asawa niya ako. Sex na ang pinag-uusapan namin. Hindi ko siya pini­gilan, kahit alam kong mali, kasi sexting lang, chat lang naman ito.

Pero napansin kong ikinakalat niya sa Facebook ang mga sinasabi ko sa kanya. May screenshots ang chat ko sa kanya. Pinagtatawanan nila ako. Nalaman ito ng kanyang girlfriend at inaway ako. Anong gagawin ko para makaiwas sa masama? — Oksana

Dear Oksana,

Mabuti ang maki­pagkaibigan kung mabuti ang layunin, pero nagi­ging masama ito kung may umaabuso. Ang social media ay paraan upang ang mga dating magkakaki­lala ay makapag-usap at magkumustahan kahit malayo sa isa’t isa, pero ito ay nagiging paraan din para gumawa ng masama ang mga taong mapangbiktima.

Masama ang ginawa sa iyo ng kababata mo. Hindi siya tunay na kaibigan. Ginamit ka niya bilang isang laruan. Masama rin ang ginawa mo, dahil alam mong mali ngunit hinayaan mo.

Iti­gil mo ito. Sa social media, i-block mo ang mga taong hindi nagpapaha­laga sa iyo.

Mabubuhay ka na wala sila. Maki­pagkaibigan ka lamang sa mga taong may paggalang sa iyo.

Ang sex at pag-uusap ng personal tungkol sa sex ay nararapat kung ginagawa ito ng mag-asawa. Pero hindi nararapat kung ito ay ginagawa ng dalawang taong hindi mag-asawa.

Ang sexting, cyber sex o phone sex ay ginagawang paraan ng mga taong karnal at makalaman para tuksuhin ang kapwa na gumawa ng masama upang mairaos nila ang pagnanasa ng katawan. Ang sexting, cyber sex o phone sex ay ginagamit sa pagpapantasya ng mga imoral na gawain. Ang sexting, cyber sex o phone sex ay daan ng diyablo para dalhin ka sa kasalanan na sa bandang huli ay iyong pagsisisihan. Ang isang taong gumagawa ng masama sa kanyang isip ay matutukso at mauuwi sa paggawa ng masama sa totoong buhay.

Ayon sa aral at salita ng Panginoong Jesu-Cristo, ang mag-isip ng isang bagay na makasalanan ay isang kasalanan. Wika Niya, “Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang tumingin lang sa isang babae nang may masamang pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang isip” (Mateo 5:28).

Oksana, upang maiwasan mo ang masama, ang magkasala sa isip at sa gawa, isabuhay mo ang turo ng Biblia: La­ging “isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais” (Filipos 4:8). God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom