Una sa Balita

Payong Kapatid: Mahalaga ang pagtitiwala

By
0 51

Dear Kuya Rom,

Bago ko siya naging boyfriend, galing siya sa isang relasyong hindi siya maligaya na bumagsak sa hiwalayan. Kami ay nagkakilala at naging magkaibigan. Ipinakita niya sa akin na mapagkakatiwalaan ko siya. Niligawan niya ako at sinagot ko siya.

Mahal niya ako at mahal ko siya. Kami ay 3 years na sa aming relationship. Nag-uusap na kami na magpakasal, at alam ito ng mga pamilya namin. Pero nahuli ko siyang may ka-chat na mga ibang babae sa FB. Inamin niyang bored siya at nasa FB siya para magpalipas ng oras habang nasa trabaho ako sa gabi. Sa araw siya nagtatrabaho.

Hindi raw siya nanliligaw ng ibang babae, nakikipagkuwentuhan lang. Para sa akin, sinira niya ang pagtitiwala ko dahil lihim niyang ginagawa ito. Nag-sorry siya at humingi ng tawad. Pinatawad ko siya, pero may lamat na ang pagtitiwala ko sa kanya.

Sinabi ko sa kanya na hindi ako lubos na nagtitiwala sa kanya ngayon. Nairita siya at sinabing mamili ako, kalimutan ko ang kasalanan niya o huwag nang ituloy ang kasal. Ang sabi ko sa kanya, inaalis ko sa isip ko ang nakaraan, at gusto kong ituloy ang kasal namin, pero hindi madali sa akin ang magpatuloy na parang wala siyang ginawang kasalanan.

Kuya, paano magkakaroon ng lubos na pagtitiwala?

— Sonya

Dear Sonya,

Ang pagpapakasal ay pinag-iisipan ng mara­ming beses. Mahalagang isipin ang bawat anggulo nito sapagkat kinabukasan ninyo ang nakataya rito.

Ang nilalang ng Diyos na mapapangasawa mo ay hindi isang perpektong tao, makakagawa siya ng mali, at dumarating ang oras na siya ay bored dahil magkaiba ang schedule ninyo sa trabaho. Matatanggap mo ba ito?

Tungkol naman sa pagtitiwala, ang gusto mo kahit siya ay bored umaasa kang hindi siya makikipag-chat sa ibang babae sa FB. Matatanggap mo ba kung makakagawa siya ng isang bagay na ayaw mo sa mga oras na siya ay nag-iisa at hindi mapakali?

Ang lalaking mahal mo at nagmamahal sa iyo ay naghahanap ng iyong presensiya. Ikaw ba ay handang gumawa ng balansiyadong paraan upang matupad mo ang iyong tungkulin sa trabaho at matugunan mo ang pangangailangan ng presensiya mo ng iyong asawa, anak, at buong pamilya?

Ang pagpapakasal ay desisyon ng dalawang puso. Hindi ito desisyon mo lamang. Kung siya ang tatanungin, paninindigan niya ba na magiging tapat siya sa iyo kahit sa mga oras na wala ka sa kanyang tabi? O ipipilit niyang gawin ang gusto niya kahit ito ay alam niyang mali at makakasira sa iyong pagtitiwala? Mahalaga ang pagtitiwala. May tiwala ba kayo sa isa’t isa?

Kung ang mga tanong na ito ay nakakapagod isipin para sa inyo at hindi kayo sigurado sa mga sagot ninyo, mainam na magkasundo kayong mamahinga muna, maghiwalay pansamantala, hindi magkita sa loob ng isang buwan, at manalangin sa Diyos. Dito makikita kung parehas kayong handang ipaglaban ang inyong pagmamahalan o hindi. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy