Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Mahalaga ang dangal

By
0 23

Dear Kuya Rom,

Tawagin mo na lang akong Claire. Gusto ko lang marinig ang ­pananaw ng isang lalaki tungkol sa sex. Nagkaroon ako tatlong boyfriend. Nilayuan nila ako, kasi tumanggi ako sa sex na gusto nila. Matagal nang wala akong commitment sa kahit anong lalaki. Natatakot kasi ako.

Pinalaki ako ng parents ko na may pananalig sa Diyos, naniniwalang mahalaga ang virginity at pag-ibig, at ibibigay ko lang ang aking katawan sa lalaking asawa ko.

Pero sabi ng mga kaibigan ko, hindi raw ako dapat matakot. Pwede raw ang sex kahit walang pag-ibig. Ikinikuwento sa akin ang experience nila sa sex. Nakakainit ng dugo. Feeling ko gusto ko ring maranasan ito. Kaya lang, naiisip ko ang sabi ng mommy ko, huwag kong hahayaan na ang feelings ko ang siyang magdikta sa aking gustong gawin, dahil mahalaga ang dangal ng isang dalaga.

Ngayon, nakikipagkita ako sa isang lalaki. Walang ligawan, attracted lang kami sa isa’t isa. Pinaglalabanan ko ang sex na gusto ng katawan ko, kasi hindi ako in love sa kanya at hindi rin siya in love sa akin.

Paano kung wala talaga kaming feelings for each other? Anong gagawin ko, lumayo na lang? Para ma-experience ko ang sex, hihintayin ko ba talaga ang pag-ibig? — Claire

Dear Claire,

Kung mga lalaki ang tatanungin mo, iba-iba ang mga sagot na maririnig mo depende sa motibo, lalo na mula sa mga lalaking ang hangad ay sex at gustong makauna sa iyo. Huwag kang makinig sa mga taong hindi kumikilala at hindi nagpapasakop sa Diyos. Kung ang hinahanap mo ay gabay, mabuting pakinggan at sundin mo ang gabay ng iyong mga magulang — mahalaga ang iyong dangal.

Ang virginity ay hindi lamang tungkol sa isang parte ng katawan ng babae. Ang virginity ay tumutukoy sa kalinisan ng puso mo sa harap ng Diyos na banal.

Ang sex na walang pag-ibig ay kahalayan. Ang sex na hindi ayon sa pagmamahalan ng dalawang pusong kasal sa harap ng altar ay isang gawaing hindi malinis sa harap ng Diyos. Ang sex ay isang bahagi lamang ng buhay ng tao. Masasabing mahalaga, pero hindi ito ang pinakamahalagang bahagi.

Ang pinakamahalaga ay marangal at mabuting pamumuhay na kalugud-lugod sa harap ng Diyos. Kung ikaw ay nananalig sa Kanya, hindi mo gagawin ang gusto o nararamdaman mo, kundi susundin mo ang Kanyang kalooban.

Ito ang wika ng Biblia para sa mga taong nananalig sa Panginoong Jesus: “Kaya nga, mga kapatid… ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana’y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon… upang kayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos… Kalooban ng Diyos na kayo’y magpakabanal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal… at hindi pagsunod lamang sa nasa ng laman tulad ng inaasal ng mga… hindi nakakakila sa Diyos” (1 Tesalonica 4:1-5).

Nawa’y magsilbing gabay mo ang mga talatang ito. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom