Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Magpakabait

0 9

Dear Kuya Rom,

Sa simula pa lang, kontra na si mommy sa boyfriend ko. Ako raw ay katatapos lang ng college at sa trabaho ko ako dapat nakatuon.

Ang daddy ko naman na nasa Singapore, okay sa kanya na may boyfriend ako, basta magpa­kabait lang ako.

Pinadalhan ako ni daddy ng perang pa-birthday niya sa akin. Ginamit ko ito na pambili ng dalawang ticket sa Ariana concert sa Mall of Asia, kasama ang boyfriend ko.

Magkadikit kasi ang birthday namin. Sinabi ko ito sa mommy ko, at hindi niya gusto ito.

Nang malaman ng boyfriend ko na kontra sa kanya ang mommy ko, kinausap niya ako.

Nagkasundo kaming putulin ang relationship namin at kami ay maging friends lang muna. Natuwa si daddy, kasi nagpapakabait ako.

Natuwa rin si mommy nang malaman niya ito. Pero hindi siya natutuwang manunood pa rin ako ng concert na kasama ang friend ko.

Sabi ko kay mommy, pa-birthday ni daddy sa akin ang concert, at pa-birthday ko naman sa friend ko ang isang ticket, kaya magkasama kami.

Bakit hindi matanggap ito ni mommy? Anong masama sa pagkakaroon ng kaibigan? Anong masama sa panonood ng concert?

Anong masama sa pagbibigay ng regalo? Anong gagawin ko para bigyan ako ni mommy ng laya? — Fanny

 

Dear Fanny,

Walang masama sa pagkakaroon ng kaibigan. Kailangan lamang na mag-ingat ka, at suriin mo ang pagkatao ng isang tao bago mo siya gawing kaibigan, upang hindi ka mapahamak sa bandang huli.

Walang masama ang manood ng concert. Pero mainam na suriin mo ang pagkatao ng isang concert artist.

Maaaring kahanga-hanga ang kanyang talento, pero maaari ring hindi mabuti ang kanyang pagkatao at magiging masamang impluwensiya siya sa iyo.

Walang masama sa concert. Ang masama ay ang maaaring kaguluhang mangyayari sa loob ng concert na posibleng magdulot ng kapahamakan sa mga nanonood.

Piliin mong mabuti ang iyong mga kaibigan sapagkat ang masamang kaibigan ay nakasisira ng magandang asal. Piliin mo rin ang concert artist na panonoorin mo.

Walang masama sa pagbibigay ng regalo. Ang masama ay maaaring ibubunga ng regalo, tulad ng kaguluhang nangyari sa isang concert na nauwi sa kamatayan ng ilan.

Mabuti ang nag-iingat. Unawain mong ang kabutihan at kaligtasan mo ang iniisip at hinahangad ng iyong mommy.

Natural na may kalayaan kang gawin ang gusto mo. Pero ang kalayaan ay may kaakibat na responsibilidad. Maging responsable ka sa paggamit ng iyong kalayaan. Mainam na unawain mo ang kalayaan at responsibilidad ng iyong mommy na ingatan ka.

Tama, ang daddy mo, magpakabait ka. Narito ang mabuting gabay sa buhay na magandang pag-isipan mo: “Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong”. Fanny, may God bless you!

Payong kapatid,

Kuya Rom