Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Maganda at sexy siya

By
0 15

Dear Kuya Rom,

Kababata ko siya, dating magkapitbahay kami. Niligawan ko siya at sinagot niya ako. Misis ko na siya ngayon. Anim na buwan na kaming nagsasama.

Maagang naulila ako, kaya hindi ako nakatapos ng pag-aaral. Maaga akong natutong maghanapbuhay. 

May maliit na negosyo ako sa palengke, nagtitinda ng isda. Madaling araw akong umaalis ng bahay para bumili ng paninda.

Nabebenta ko ang mga isda bago mananghali. Nakakatuwa sapagkat may kalakihan ang kita ko. Mapalad akong nagkaroon nang sariling bahay at sasakyan.

Siya naman ay nakatapos ng college at nagtatrabaho sa call center. Maayos ang tahimik at simpleng buhay namin, pero may problema. Ang misis ko ay hindi mahilig sa sex. Ang dahilan niya, pagod siya.

Dati, may sex kami dalawang beses sa isang linggo. Ngayon, dalawang beses sa isang buwan na lang.

Kinausap ko siya tungkol dito. Hindi raw ako ang problema, kundi ang sarili niya, walang siyang gana dahil sa pagod. 

May mga gabing natutulog na lang akong mag-isa sa kabilang kuwarto. Hindi ko siya tinatabihan para hindi ko siya hanapan ng kasiyahan ko. Mahal ko siya at ayaw kong sex ang pag-aawayan namin. 

Ang gusto ko lang sana ay makasiping si misis at may sex kami kahit minsan sa isang linggo. Maganda at sexy siya, pero frustrated ako. Anong mabuting gawin? — Narry

Dear Narry,

Malaking hamon talaga sa iyo ang harapin ang sitwasyong ito  ang misis mo ay maganda at sexy, pero malamig siya sa romansa at walang hilig sa sex.

Makakatulong ang tapat na pag-uusap at walang halong pagsisinungaling. Sabihin ang totoo, maging bukas ang isipan sa posibleng solusyon, at magkaroon ng commitment na isagawa ito.

Oo, magandang hindi mo siya obligahin, pero ang totoo, obligasyon niya ito bilang babae sa kanyang asawa  ang tugunan niya ang pangangailangan mo sa sex, kahit pagod siya, upang hindi ka matuksong gumawa ng sekswal na imoralidad. 

Para sa inyong kaligayahan bilang mag-asawa, mahalagang sundin at isabuhay ninyong dalawa ang utos ng Dios na nasasaad sa Biblia: 

“Ngunit dahil sa marami ang natutuksong gumawa ng sekswal na imoralidad, mas mabuti pa na mag-asawa na lang ang bawat lalaki o babae.

Dapat tuparin ng lalaki ang kanyang tungkulin sa kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae.

Sapagkat ang lalaki ay may karapatan sa katawan ng kanyang asawa. At ganoon din naman, ang babae sa kanyang asawa.

Kaya huwag ninyong ipagkait ang pagsiping sa inyong asawa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong ipagpaliban ito, upang mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin.

Ngunit pagkalipas ng inyong pinagkasunduan, magsiping na uli kayo dahil baka hindi na kayo makapagpigil at matukso kayo ni Satanas” (1 Corinto 7:2-5).

Buong pusong sumunod kayo sa kalooban ng Dios at malalasap ninyo ang buhay na ganap at kasiya-siya. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom