Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Labag sa batas

By
0 160

Dear Kuya Rom,

Nang makilala niya ang mister ko, niyaya niyang kumain sa labas, dinala sa bahay, at ipinakilala sa mister niya. Kinausap nilang mag-asawa ang mister ko. 

Ang mister niya ay super yaman, pero may sakit, at baldado. Puma­yag itong magkaroon ng boyfriend ang misis niya, siya ang susustento sa kanila, bibigyan ng sariling bahay, at kapag siya ay namatay, iiwan sa kanila ang lahat ng yaman. Ito ay isang bagay na hindi natanggihan ng mister ko. Siya ang magiging boyfriend.

Nang magtapat sa akin ang mister ko, nasaktan ako, at inaway ko siya. Umalis siya ng bahay. Tuluyang nagkaroon siya ng relasyon sa babaeng ito. Dahil may anak kami, pumupunta pa rin siya sa bahay. Asikaso pa rin niya ako at ang buhay namin. Natutulog siya sa amin minsan sa isang linggo. Sabi niya, ako ang mahal niya, at ang ginagawa niya sa labas ay trabaho lang, para sa kinabukasan namin. 

Kuya, tawagin mo na lang akong Bebeth. Hindi raw ito panloloko, kasi alam ko at ng lalaking milyonaryo ito, at maligaya ang lahat. Wala ba akong magawa? Tama ba ito? Hindi ba ito labag sa batas? Puwede ba ito sa Pinas? — Bebeth

Dear Bebeth,

Ikaw ay nakararanas ng mga pangyayaring nakagugulo sa iyo, hindi payapa ang iyong isip at puso. Ibig sabihin, hindi maligaya ang lahat sa sitwasyong ito.

Ito ba’y puwede sa ating bansa? Ang saligang batas ay nagsasaad: Ang pamahalaan ay may tungkuling bigyan ng proteksiyon ang pagsasama at pag-iibigan ng mag-asawa sapagkat ito ay pundasyon ng pamilya (Section 2, Article XV, Philippine Constitution).

Ang masakit, ang batas sa ating bansa ay lantarang inaapakan at binabalewala ng mga taong mapera at maimpluwensiya. Ang masamang nangayari sa ating bansa ay ito: Kung ikaw ay milyonaryo, pulitiko o celebrity, ang pagyurak sa kabanalan ng pagsasama ng mag-asawa ay magagawa mo ng buong laya. Sila ay makapangyarihan, na ang pagbanggit mo sa mga pangalan at pamumuhay nila ay maaaring dahilan para kuyugin ka ng mga tagasunod nila sa social media o para iligpit ka.

Ang magagawa mo lamang ay ipanalangin, patawarin, at patuloy na mahalin ang iyong asawa. Ikaw ay susunod sa kanya at kailangang magpasakop ka sa kanya. Ang gabay ng Biblia sa isang misis na tulad mo ay ito: 

“Kayong mga babae, magpasakop kayo sa asawa ninyo, upang kung ang asawa ninyo?y hindi pa naniniwala sa salita ng Dios, maaaring madala n?yo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita.

Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Dios at malinis ang pamumuhay ninyo. Kung gusto ninyong maging maganda, huwag sa panlabas lang tulad ng pag-aayos n’yo ng buhok na nilalagyan ng mamahaling alahas, at pagsusuot ng mamahaling damit. Sa halip, pagandahin ninyo ang inyong kalooban, ang mabuting pag-uugali na hindi nagbabago. Maging mahinhin kayo at maging mabait. Ito ang mahalaga sa paningin ng Dios.” (1 Pedro 3:1-4)

Bebeth, ipaubaya mo ang hustisya at batas sa Dios. Ipagkatiwala mo ang lahat sa Kanya sapagkat Siya ay nagmamahal at kumukupkop sa iyo!

Payong kapatid,
Kuya Rom

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy