Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Kung kailan kailangan ko siya

By
0 5

Dear Kuya Rom,

Limang taong may trabaho ako sa Japan. Umuwi ako dahil nabalisa ako nang malaman kong nasa advanced stage ng breast cancer ang mommy ko. Siya ay single mother, at ako ay nag-iisang anak niya, kaya very close kaming mag-ina.

Umuwi rin ang boyfriend ko mula sa Japan. Sinorpresa niya ako ng marriage proposal. Naghanda agad kami para makadalo si mommy sa kasal namin. Simple lang ang wedding namin. Walang honeymoon, pero maligaya kami.

Pagkaraan ng isang buwan, pumanaw si mommy. Binayaran ko ang mga utang niya. Tapos, bumalik na kami ng asawa ko sa Japan. Para sa akin, ito ay simula ng bagong buhay.

Ang akala ko, dahil wala na siya, maaalis na sa isip ko si mommy. Pero umiiyak pa rin ako tuwing naaalala siya. Hindi ako maintindihan ng asawa ko. Bakit daw ako malungkot, samantalang bagong kasal kami. Ito ay nagiging dahilan ng pag-aaway namin. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya sa akin kapag umiiyak ako. Para sa kanya, kaartehan ang ginagawa ko, at naiinis siya.

Nagdesisyon siyang maghiwalay kami. Wala akong imik. Naglayas siya at lumayo kung kailan kailangan ko siya. Nasanay na akong kasama siya, at natatakot akong mag-isa, kaya naghanap ako ng ibang tirahan na may mga roommates ako.

Hindi ko alam kung magkakabalikan kami ng asawa ko. Dalawang buwan nang wala kaming communication. Siya ay asawa ko at alam ko sa puso ko na hindi ako iibig ng iba. Kuya, paano ako makapag move on? — Alice

Dear Alice,

Ang mommy mo ay very close sa iyo at siya lamang taong nagmahal sa iyo ng tunay, at ito ang dahilan ng matitinding pagdadalamhati mo. Pagkatapos, iniwan ka ng asawa mo, kaya dobleng kawalan ito sa iyong buhay. Sa dalawang magkasunod na pangyaya­ring nawalan ka ng nagmamahal sa iyo, lumikha ito ng malaking sugat sa iyong puso at kailangan mo ng kagalingan. Paano?

Una, ipagpasalamat mo sa Diyos ang pagbibigay sa iyo ng isang mommy na nagpalaki sa iyo. Itago mo sa iyong puso ang mga magandang ala-ala niya. Tanggapin mo ng maluwag sa iyong dibdib na kalooban ng Diyos ang maagang pagpanaw ng iyong mommy. Wala na siya sa mundo, kaya mabuting ipagkatiwala mo siya sa Diyos.

Pangalawa, panatilihin mong malusog ang iyong katawan. Iwasan mo ang pagkaing makasisira sa iyong kalusugan. Upang malimutan ang lungkot, ituon mo ang iyong buong isip sa iyong trabaho at magtagumpay. Gawin mong matatag ang iyong buhay.

Pangatlo, isipin mong mahal ka ng iyong asawa, pansamantang lumayo siya para bigyan ka ng layang magdalamhati. Mainam na ituloy mo ang communication mo sa kanya, sabihin sa kanya na mahal mo siya at kailangan mo siya sapagkat hindi ka na iibig ng iba. Pabalikin mo siya, at pagbalik niya, ibigay mo sa kanya ang iyong buong katawan sapagkat nananabik siya sa iyo. Tungkulin mong paligayahin siya. Manalig kang susuklian niya ng pagmamahal ang iyong pagmamahal. Ilagak mo sa Diyos ang lahat ng iyong kabalisahan sapagkat Siya ay nagmamahal sa iyo. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom