Una sa Balita

Payong Kapatid: Ito ba ang tunay?

By
0 3

Dear Kuya Rom,

Just call me Sybil. Ako ay 19 at siya ay 21 noon. Siya ang first love ko. Dalawang taon ang relationship namin. Sabi niya, hindi pa kami handa para magkapamilya, kaya’t maingat siya kapag kaming dalawa lang sa isang lugar. Nagkukuwentohan lang kami.

Gusto kong yakapin at halikan niya ako, pero inaakbayan lang niya ako, kaya’t nilayuan ko siya. Naghanap ako ng tunay na lalaki. Nagkaroon ako ng ibang karelasyon.

Pero ang dati kong boyfriend ay laging nasa isip ko. Tatlong taon na kaming hindi nagkikita. Alam kong wala siyang girlfriend, kasi kaibigan siya ng kuya ko at magkasama sila sa trabaho. Ang balita ko, may hinuhulugan siyang isang one room condo unit. Abala siya sa pag-aasikaso sa loob ng bahay, bumibili ng mga gamit, dining room set, living room set, at bedroom set.

Wala akong karelasyon ngayon. Madali kong nalilimutan ang isang lalaki sa buhay ko, pero hindi ko siya malimutan.

Malapit na ang birthday ko, sana magkita kami. Ideal partner siya para sa akin, pang habang buhay. Alam kong matutuwa ako kapag nakita ko siyang muli. Sana’y may feelings pa rin siya sa akin. I realize na may feelings pa rin ako sa kanya. Bakit ganito? Ito ba ang tunay, ang sinasabing true love? — Sybil

Dear Sybil,

Related Posts

Napagkamalan

Dahil sa yakap

Bata ka pa noon at kulang sa pang-unawa; ang isip mo ay nasa pisikal na ligaya na madaling maglaho. Mukhang nabigo ka sa paghahanap ng ligayang tumatagal. Posibleng lumago na ang iyong pang-unawa, at ang isip mo ngayon ay nasa mga bagay na hindi maglalaho.

May bagay na nakatago sa isang sulok ng iyong puso, isang bagay na sumasagi sa iyong isip at walang hanggang nagtatanong. Ano kaya ang nangyari kung hindi mo nilayuan ang iyong first love?

Nakikibalita ka sa kuya mo at natutuwa kang malaman na wala siyang girlfriend ngayon.

Dahil bigo ka sa paghahanap ng ligaya, ikaw ngayon ay nagpapantasyang sana’y magkita kayong muli ng first love mo, sana’y may feelings pa rin siya sa iyo, sana’y hindi siya nagbago at siya pa rin ang lalaking maingat sa kanyang kilos.

Sa tingin mo sa kanya ngayon, siya ay ideal partner, perpekto. Pero ang totoo, walang ideal partner, sapagkat walang perpektong tao. Ang pinapantasya mong ideal partner ay makikilala mo at makikita mong may mga kahinaan at kamalian siya sa pagdaan ng panahon.

Baguhin mo ang iyong pananaw sa pagkakaroon ng ideal partner. Ihanda mo ang sarili mo na tanggapin ng buong puso ang lalaking makakasama mo habang buhay sa kabila ng kanyang mga kahinaan.

Kapag handa ka na, pakiusapan mo na isama ng kuya mo ang dating boyfriend mo sa birthday party mo at manalanging ito ang bagong simula ng isang true love. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom