Una sa Balita

Payong Kapatid: Ibaon sa limot

By
0 103

Dear Kuya Rom,

Matagal ang relasyon namin. Umabot kami ng 3 years. Marami siyang good qualities na gusto ko. Pero noong isang buwan, nahuli ko siya. May ibang girlfriend siya. Sa aking pagtatanong sa kanya, sinabi niyang mas mahal niya ang babaeng ito. Nasaktan ako talaga. Ako na ang lumayo.

Itinapon ko lahat ang mga bagay na magpapaalala sa akin ng aming nakaraan. Pinalitan ko ang sim ng cellphone ko at may bago akong number. Inalis ko siya bilang friend ko sa social media. Gusto kong ibaon siya sa limot.

Kaso, naging friends ko ang kanyang mga kapatid, pinsan, katrabaho at ilang barkada niya sa FB. Hindi ko sila basta ma-unfriend, kasi ayaw kong makasakit ng damdamin ng iba.

Kuya, ayaw kong makita ang mukha niya kahit sa social media. Kailangan bang i-unfriend ko ang lahat? Paano ako makakapag-move on? — Rina

Dear Rina,

Biglang nayanig ang iyong mundo dahil sa isang lalaki. Ang pagtataksil ng boyfriend mo na parang isang bombang sumabog ay sadyang nakakadurog ng puso, maraming bagay sa iyong buhay ang apektado at naging collateral damage.

Ang kailangan ng iyong puso ngayon ay pahinga upang mabilis ang paggaling ng sugat at sakit na nararamdaman. Ang pagpapagaling mo ang unahin mo, kaya huwag mo munang isipin ang ibang tao. Nakakapanghina ito. Alisin mo ang madramang pag-iisip ng kung anu-ano upang lumakas ang iyong tiwala sa sarili.

Tama ang ginawa mong pag-unfriend sa kanya sa FB. Hindi mo kailangang i-unfriend ang ibang tao. Wala silang kasalanan sa iyo. Ang biglaang pag-unfriend mo sa kanila sa social media ay parang isang sampal, kaya hindi nararapat.

Puwedeng magbukas ka ng bagong FB account para sa iyo at piliin mo ang iyong mga kaibigan para rito. Sa ganitong paraan, maiiwasan mo sa social media ang lalaking ayaw mong makita ang pagmumukha at ang mga taong may ugnayan sa kanya. Inalis mo na siya sa iyong buhay, kaya alisin mo rin siya sa iyong isip.

Kapag may bagong FB acccount ka na, huwag mo nang gamitin pa ang luma. Mabuting huwag mo nang babanggitin pa sa mga post mo ang tungkol sa nakaraan. Ito ang paraan upang maibaon mo sa limot ang lahat.

Ang pagpapatawad ay magandang simulang hakbang upang ikaw ay makapag-move on. Patawarin mo siya at iyong sarili. Ang pagpapatawad ay magpapalaya sa iyo upang ikaw ay magkaroon ng bagong buhay.

Gawin mong pundasyon ang Dios ng iyong bagong buhay. Alam Niya ang mabuti para sa iyo. Lumapit ka sa Kanya sa panalangin at hingin mong ipakita Niya sa iyo ang Kanyang magandang plano sa iyong buhay. Manalig ka sa Kanya at gagabayan ka Niya. Magtiwala kang hindi ka Niya iiwan o tatalikuran man. Ang Dios ay tapat na magmamahal sa iyo magpakailanman. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy