Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Bombang wawasak ng pamilya

By
0 1

Dear Kuya Rom,

Six months na kasama ko siya sa trabaho. May boyfriend ako at may girlfriend siya. Pero malapit kami sa isa’t isa, may konting lambingan, na parang may relasyon kaming dalawa. Ang totoo, friends ko lang ang lalaking ito.

Tapos, lumipat ako ng trabaho, at may ipinakilalang lalaki sa akin. Naging kaibigan ko siya. Nanligaw siya, at na-in love ako sa kanya. Siya ang naging asawa ko.

Pagtapos ng kasal ko, sumunod na kinasal ang lalaking kasama ko sa trabaho. Nakatuluyan niya ang kanyang girlfriend.

Pagkaraan ng limang taon, sa isang birthday party, nakita kong muli ang lalaking kasama ko sa trabaho. Kinuha niya ang cellphone number ko. Mula noon, may mga araw na kumakain kami sa labas at nagkukuwentuhan. Isang araw, parang may bombang sumabog sa dibdib ko. I realized na may lihim na damdamin ako sa kanya noon at ngayon.

Parang sabik akong sabihin sa friend ko na nahihibang ako sa kanya five years ago at hanggang sa ngayon. Gusto kong malaman kung may feelings din siya sa akin.

Pero ayaw kong masira ang relasyon namin ng mister ko. Anong gagawin ko? — Kay

Dear Kay,

May pag-ibig ka sa iyong mister, kaya pinakasalan mo siya. Kung nagkaroon ka man ng damdamin sa lalaking kasama mo sa trabaho noon, iyon ay nakaraan na, at hindi na dapat balikan pa, sapagkat ang totoo, may asawa at sariling pamilya ka na ngayon.

Ang lalaking ito ay nakapag-asawa na rin at may sariling pamilya. Kapag sasabihin mo sa kanya ang nararamdaman mo, maaaring bumagsak kayo sa kasalanang magiging mitsa ng bombang sasabog at magwawasak ng dalawang pamilya.

Kapag nalaman ito ng inyu-inyong asawa, may mga pusong masasaktan, may sasambulat na galit, at maaa­ring ibaon sa hukay ang pag-ibig. Ito ba ang gusto mo?

Sadyang may mga pangyayaring tulad ng nararanasan mo. Subalit ang isang matinong lalaki o babae na dumaraan sa ganitong pagsubok ay pipiliing gawin ang tama upang manatiling buo ang pamilya.

Sa halip na makipagkita ka sa lalaking ito, lumabas kayo ng mister mo at palaguin ang inyong pagmamahalan. Sa halip na magpantasya ka ng nakakahibang na relasyon sa piling ng ibang lalaki, may tatag ng loob at tapang na ipaglaban mo ang kabutihan ng iyong sariling pamilya.

Putulin mo na ang pakikipagkita mo sa friend mo. Palitan mo ang sim card mo at magbago ka ng numero. Alisin mo sa cellphone mo ang contact number ng lalaking ito.

Matakot ka sa Dios. Manalangin ka, at ikaw ay Kanyang gagabayan. Manalig kang bibigyan ka Niya ng kalakasang tatanggi at lalayo sa kasalanan. Dumulog ka sa Kanya, sapagkat may mabuting plano Siya sa iyong buhay. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom