Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Banggaan

By
0 79

Dear Kuya Rom,

Tawagin mo na lang akong Manny. Naaksidente si tatay, kaya balo na ngayon si nanay. Kasama namin siya sa bahay na namana ko mula kay tatay. 

Ang asawa ko ay maganda, at higit sa lahat, mabait. Kaya in love ako talaga sa kanya. Five years na kaming nagsasama at may isang anak. 

Ang aking nanay ay maganda rin, at ayaw niyang patatalo sa ganda ng misis ko. Gusto niya, lahat ng mata ay nakatingin sa kanya at hahangaan siya. Sinisiraan niya ang misis ko, kasi gusto niya laging siya ang bida at pinapa­lakpakan. 

Kung ang nanay ko ay madaldal, ang misis ko naman ay tahimik. Kaya lang, naiirita siya sa ugali ng nanay ko. Tama siya, nakakairita talaga si nanay. Kaya sinabihan ko si nanay. Pero nagalit si nanay sa akin. Ngayon, ayaw nang kausapin ng misis ko si nanay.

Ito ang problema. Nagbabanggaan ang asawa ko at nanay ko. Ano ang mabuting gawin? Paano iiwasan ang banggaan? – Manny

Dear Manny, 

Ang ‘banggaan’ ng dalawang tao ay sadyang nangyayari dahil sila ay magkaiba sa personalidad, ugali, at mga bagay na kinalakihan at pinaniniwalaan. Kasama sa buhay ng tao ang makaranas ng banggaan. Gayunman, may paraan upang ayusin kung anuman ang nasira nito. Ang mas mabuti, mag-ingat at ganap na iwasan ang banggaan. Paano?

1. Pigilan ang dila upang makapagmuni-muni at makapag-isip ng maayos. Ang banggaan ng personalidad ay hindi kailangang mauwi sa digmaan. Oo, may mga bagay na talagang nakakagalit, pero mainam na piliin ang magpasensiya at magpigil ng sarili upang hindi magmukhang hangal. 

“Ang taong hangal ay hindi makapagpigil sa kanyang galit, ngunit ang taong marunong ay nakapagpipigil ng kanyang sarili” (Kawikaan 29:11). “Ang mapagpasensya ay mas higit ang karunungan, ngunit ang madaling magalit ay nagpapakita ng kahangalan.” (Kawikaan 14:29)

2. Magsalita sa tamang panahon. Ang ‘tamang panahon’ ay hindi nangangahulugang ‘ngayon’. Ang mabilis na reaksyon ay maaring magbunga ng hindi maganda, at makasira ng relasyon, na mahirap hanapan ng solusyon. Kaya, mas mabuting manahinik at magpalamig muna, kahit ikaw ay iniinsulto na.

“Ang hangal ay madaling magalit kapag iniinsulto, ngunit ang taong may karunungan ay hindi pinapansin ang pang-iinsulto sa kanya.” (Kawikaan 12:16)

3. Magsalita ng malumanay at malinaw. “Ang malumanay na sagot ay nakakapawi ng poot, ngunit lalong nakakapagpagalit ang pabalang na sagot.” (Kawikaan 15:1)

4. Ibigin ang kapwa. Kapag may pag-ibig, may pang-unawa, pagpipigil sa sarili, at habag sa kapwa. Wika ng Panginoong Jesus, “Magmahalan kayo. Kung paano ko kayo minamahal, ganoon din dapat ang pagmamahal niyo sa isa’t isa” (Juan 13:34). 

Manny, may God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy