PAYONG KAPATID: Ang pangarap na ligaya

By

Dear Kuya Rom,

Ako ay 7 years nang may boyfriend, may maayos na communication at may stable relationship. Ako ay 16 lang noon nang unang umibig. Ako ay 23 years na ngayon, ikakasal na next year at sana’y marating ang pangarap na ligaya.

Pero sabi ng Daddy ko, mga bata pa kami para mag-asawa. Maaaring hindi kami magtagal at magkalayo lang, kasi hindi namin naranasan ang maki­pagrelasyon sa iba. May ibang taong ito rin ang sinasabi at nirerespeto namin ang concern nila, pero iisa lang sagot namin.

Nakipag-break ako sa kanya noong 19 ako, pero nagkabalikan kami. May natutunan kami sa aming paghihiwalay, naging mas matatag kami, at nanga­kong hindi na muling magkakalayo.

Totoong may mga problema. Pinag-uusapan namin ang mga plano para sa mga unang taon ng buhay namin bilang mag-asawa, at magkaiba kami ng plano. Gusto niyang magkaanak kami agad at gusto kong mapuntahan muna namin ang iba’t ibang bansa sa mundo.

Mas malaki ang suweldo ko, at inako ko ang mas maraming gastos sa kasal namin. Parang masama ang loob ko, kasi maaaring magamit namin ang perang ito sa pagbabakasyon sa ibang bansa.

Alam niya kung ano ang gusto ko. Pinagbibigyan niya ako. Ang nangyayari, namamasyal ako sa ibang bansa na hindi siya kasama, pero hindi ako nasisiyahan. Hindi rin siya natutuwa.

Makasarili ba ako? Unfair ba ako sa kanya? Paano ko haharapin ang struggle na ito, ang kinakatakutan kong maaaring tama ang sinasabi ng iba na mauuwi lang kaming dalawa sa paghihiwalay? Paano na ang pangarap kong ligaya? — Gigi

Dear Gigi,

Hindi kayo nag-iisa sa pagkakaroon ng magkaibang plano. Ito ay isyu ng maraming mag-asawa, at hindi ito dahilan para maghiwalay.


Malaking tulong sa inyong pagmamahalan ang maayos na communication ninyo at ang pangako sa isa’t isa na hindi kayo magkakalayo kailanman. Idagdag ninyo rito ang pasensiya at pagbibigayan, at unahin ang pinakamahalaga. Unahin ang pamil­ya kaysa anumang bagay na personal na gusto. Ibig sabihin, mabuting magpasakop ka sa gusto ng iyong asawa — pamilya muna.

Ito ang suggestion ko: Manalangin, magpigil sa sarili, at magti­pid ng pera sa ibang bagay. Ituloy ang kasal at mag-honeymoon kayo sa ibang bansa gamit ang discounted travel promo ng isang airline. Magkaanak kayo agad. Magkaroon ng investment sa blue chip stocks ng limang matatag at malaking kompanya at palaguin ang puhunan sa loob ng limang taon. Ang malaking kita ninyo sa investment na ito ay magbibigay sa inyo ng pagkakataong magbakasyon sa ibang bansa, kasama ang anak ninyo.

Sa biyaya ng Diyos, ang pagbibigayan at pagpipigil sa sarili ay magbubunga ng mabuti na higit pa sa maligayang buhay na pangarap mo. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom


SHARE