Una sa Balita

PAYONG KAPATID: Ang gusto ko’y yakap

By
0 4

Dear Kuya Rom,

Noong nasa high school pa ako sa ­probinsya, may isang classmate akong lalaki na mabait at ­naging malapit sa akin. Napagkakamalang boyfriend ko siya dahil madalas kaming nag-uusap, pero ang totoo friends lang kami. Gusto ko siya at alam kong gusto rin niya ako, pero hindi namin pinag-uusapan ito.

Sa college, hindi na kami nagkita sa Maynila. Magkaiba ang university na pinapasukan namin. Matagal ring hindi ko siya naiisip, dahil kailangan kong mag-aral.

Biglang naisip ko siya noong Valentine’s Day. Gusto kong sabihin sa kanya ang hindi ko masabi-­sabi sa kanya noon, na gusto ko siya at sana’y makasama ko siya habang buhay. Pero wala na akong contact sa kanya.

Naaalala ko siya at ang mga ginagawa namin noon. Feeling ko, hindi ako iibig sa ibang lalaki, ­sapagkat siya lang ang para sa akin. Sana matagpuan ko siyang muli. Sana alam ng mga kaibigan namin kung nasaan siya. Ayaw kong dumating ang araw na sisisihin ko ang aking sarili, kasi hindi ko nasabi sa kanya na gusto ko siya.

Hihintayin ko ba ang araw na makita siyang muli? Ang gusto ko lang ay may yayakap sa akin para ­gumaan ang aking pakiramdam. — Janine

Dear Janine,

Ang balikan sa alaala ang magandang nakaraan ay saglit na nagbibigay tuwa sa puso. Subalit ilang minuto lamang ang lilipas, babalik ang isip mo sa kasalukuyan, sa katotohanang ikaw ay nag-iisa at nakakaramdam ng kalungkutan.

Ang lalaking malapit sa iyo noon ay matagal mong hindi naisip, pero nananatili siya sa iyong puso, at ngayon gusto mong manatili siya sa iyong buhay. Ngunit hindi mo na siya nakikita, hindi mo na siya kilala, hindi mo na alam ang itsura niya, wala kang alam kung ano na ang sitwasyon ng buhay niya. Posibleng nagbago na ang kanyang pagkatao nga­yon. Siya pa rin kaya ang lalaking gusto mo noon?

Maaaring matagpuan mo siya sa pamamagitan ng social media. Sana nga, hindi siya nagbago at mabait pa rin siya. Ngunit mas magandang huwag kang umasang siya pa rin ang lalaking gusto mong makasama habang buhay.

Ang huling sinabi mo – gusto mo lamang ay may isang taong yayakap sa iyo upang gumaan ang iyong paki­ramdam. Ibig sabihin, may lungkot kang nararamdaman.

Ang lungkot, ang paghahanap ng isang yakap ay natural na nararamdaman ng isang college student na malayo sa kanyang pamilya at mga dating kaibigan. May galak sa pusong isipin mong malapit na ang bakasyon. Lumundag ka sa tuwa, sapagkat ilang araw na lamang, magkakaroon ka ng pagkakataong maya­kap ang iyong mga mahal sa buhay at mga kaibigan sa probinsiya. Tiyak na gagaan ang iyong pakiramdam.

Pagbalik mo sa Maynila, idalangin mo sa Dios na tulungan kang ituon ang iyong isip sa pag-aaral upang matapos mo ang college course na pinili mo. Ang edukasyon ay magbubukas ng pinto sa iyo ­tungo sa maganda at matagumpay na kinabukasan. Ipanalangin mo sa Dios na matagpuan mo, hindi ang lalaking malapit sa iyo noon, kundi ang lalaking itinakda ng Panginoon para sa iyo. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom