Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Payo ni Mama Risa: Paano ‘pag sumasagot nang pabalang ang inyong anak?

0 165

Minsan may nakapag-share sa akin na kapwa mama… “Risa, ano bang gagawin ko? Palagi kaming nagtatalo ng anak ko at madalas niya akong sagutin nang pabalang. Paano ba ang tamang approach at pagdidisiplina ang kailangan?”

Isa na yata ito sa pinakamahirap na tanong na aking sinagot. Sa totoo lang, depende sa edad ng ating mga anak ang tamang approach. Importante na habang bata pa sila ay magkaroon na ng magandang pundasyon sa inyong relasyon, dahil madalas ay nae-experience natin ang mga ganitong sitwasyon kapag sila ay nasa puberty o teenage years.

Ito ang ilang tips para sa mga magulang na dumadaan din sa parehong pagsubok:

1. Kalma lang. Normal na magalit o maasar tayo kapag may hindi magandang ginawa ang ating mga anak, pero hangga’t kaya ay iwasan ang sumigaw o maging agresibo. Hayaan natin silang magkwento kung ano ang nangyari at pakinggan ang kanilang panig bago magreact. Hindi lahat ay nadadaan sa init ng ulo.

2. Mahalagang maging bukas kayo sa isa’t isa pero dapat mayroon pa ring limitasyon. Maging bukas sa kanilang mga problema at pangangailangan. Minsan, pwede pa nga nila tayong maging kaibigan. Pero huwag kalimutan na maglagay pa rin ng boundary o limitasyon: dapat ay igalang ng mga anak ang kanilang mga magulang, lalo na kapag nakikipag-usap.

Related Posts

3. Maging ehemplo. Kausapin natin nang may paggalang ang mga tao sa ating paligid – mula sa inyong asawa o partner, magulang, kapitbahay at iba pang nakakasalamuha sa labas. Wala nang mas epektibo pa kung tayo mismo ang magpakita ng respeto sa ating kapwa.

4. Kung hindi maiwasang mapagalitan sila, kausapin sila nang masinsinan at mahinahon kapag kumalma na ang sitwasyon. Ipaliwanag sa kanila kung bakit kayo nagalit at ipaintindi ang inyong dahilan.

5. Engganyuhin sila na ‘sumagot’ sa paraang nagpapakita pa rin ng respeto at paggalang. Hindi kailangang pabalang lagi para marinig o maintindihan. Iparamdam sa kanila na handa kayong makinig kung sila ay magiging mahinahon din.

Lahat tayo ay gustong lumaki ang ating mga anak na may mabuting-asal. Importante na kilalanin natin sila nang mabuti upang malaman din natin kung ano ang tamang approach para sila ay kausapin o disiplinahin. Dahil sa dulo nito, ang kapakanan nila at ng pamilya ang pinakamahalaga sa lahat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.