Una sa Balita

Patuloy ang laban sa kahirapan

0 589

Simula nang mag-umpisa ang termino ni VP Leni Robredo sa Office of the Vice President (OVP), ‘di tayo tumigil sa pag-iikot sa ating bansa bitbit ang Angat Buhay.

Sa pamamagitan ng Angat Buhay program, nagiging tulay tayo sa pagitan ng mga kababayan nating nangangailangan at mga organisasyong buong puso ang pagbigay ng tulong para sa ikabubuti ng buhay ng ordinaryong Pilipino. Sa pamamagitan ng Angat Buhay, nabibigyan ng kakayahan ang ating mga kababayan para pagandahin ang kanilang kinabukasan.

Sa kasalukuyan, mayroon tayong 185 na mga bayan na natulungan sa ilalim ng programa. Mayroon tayong 385,403 na mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang advocacy areas sa ilalim nito.

Ibig sabihin, ang mga kababayan nating na­ngangailangan sa key advocacy areas tulad ng food security and nutrition, universal healthcare, rural development, public education, women empowerment, at housing resettlement ay unti-unti nating natutulungan.

Isang halimbawa ang kuwentuhan natin noong Sabado tungkol sa mga proyekto ni VP Leni sa Brgy. Damutan, sa Hinoba-an, Negros Occidental. Sa napakala­yong komunidad na ito, nakapagdala na tayo ng tulong pang-edukasyon at pangkalusugan—at siguradong maraming beses pa tayong babalik.

Ang Angat Buhay ay nakatutok sa pinakamaliliit, pinakamahihirap, at pinakamalalayong bayan sa Pilipinas. Dahil naniniwala kaming para ating tuluyang matalo ang kahirapan sa bansa, kailangang mabago ang buhay ng mga nasa laylayan.

Ngunit walang kapasidad ang OVP para matugunan ang lahat ng mga hinaing ng ating mga kababayan. Gaya ng sabi ni VP Leni dati, “But the Office of the Vice President in the Philippines is quite unlike its counterparts in other countries. It has one of the smallest budgets in the entire bureaucracy, making it very difficult to create and carry out programs.”

Hindi ito naging ba­lakid para ipagpatuloy ni VP Leni ang adobokasiyang tulungang buma­ngon ang mga Pilipino. Sabi nga niya dati, “It would be a disservice to the people if the only thing that we did for six years were ceremonial duties, so we found a way to innovate by transforming our office from a mere ceremonial one to a more advocacy-driven office.

“So we chose to be a bridge between the country’s greatest needs and our people’s greatest strengths. Specifically, we forged partnerships with the private sector and development organizations to reach out to the poorest, the farthest, and smallest communities, where many still do not have access to healthcare, nutrition, livelihood, and so on,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, mayroong 250 partner organizations ang Angat Buhay. Sa pamamagitan nila, nakakapagdala tayo ng iba’t ibang klaseng tulong sa ating mga kababayan, at natutugunan natin ang kanilang mga panga­ngailangan.

Halimbawa, para sa mga pangangailangan sa edukasyon, nakapagpagawa na tayo ng mga classrooms at dormitories sa mga bayang tulad ng sa Siayan, Zamboanga del Norte at sa probinsya ng Eastern Samar.

Sa pamamagitan din ng Angat Buhay, mayroon tayong disaster relief and rehabilitation efforts kung saan isa tayo sa mga unang rumeresponde para makapagdala ng tulong sa mga biktima ng sakuna—natural man o gawang tao gaya ng nangyari sa Marawi dalawang taon na ang nakalilipas.
Sa lampas dalawang taon nating kuwentuhan, sana’y nakita ninyo ang kahalagahan ng kooperas­yon at kung gaano kalaki ang magagawa natin para sa bansa basta tayo ay magtutulungan.

Patuloy ang programa ni VP Leni sa Angat Buhay, dahil patuloy na may nangangailangan at may nais tumulong. Ngayon sa huli nating kuwentuhan, nawa’y patuloy pa rin po ninyong subaybayan ang mga kuwento ng pagbabago na dala ng Angat Buhay ni VP Leni sa FB page ng programa, @AngatBuhayPH.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy