Una sa Balita

Patuloy ang laban sa kahirapan sa Eastern Samar

By
0 80

Noong nakaraang linggo, muling tumulak ang A­ngat Buhay team at si VP Leni Robredo sa Eas­tern Samar para balikan ang ating kababayang nangangailangan ng tulong.

Isa ang Eastern Samar sa mga Angat Buhay area na patuloy na tinututukan ng prog­ramang ito, lalo pa’t biktima ang probinsya ng hindi lang mabibigat na bagyo, kundi pati ng kahirapan.

Naalala ko ang Eastern Samar, isang napakagandang probinsya. Layo-layo ang mga munisipyo kaya’t sa tuwing bababa kami, sinisigurado naming madadanan na ang lahat ng mga Angat Buhay area.

Nitong nakaraang linggo, nag-ikot ang A­ngat Buhay team sa mga bayan ng Quinapondan, Balangkayan, Hernani at Salcedo, at ngayon ay sinabay na rin namin ang Gandara sa Western Samar.

Malaking problema ang edukasyon sa Eas­tern Samar. Dahil sa magkakalayo ang mga bayan at hindi lahat ng munisipyo ay mayroong sapat na imprastrakturang pang-edukasyon, taunang bumababa ang enrollment rate.

Dumadami ang batang Filipinong hindi nakakapagtapos ng pag-aaral.

Naalala ko ang mga kuwento ng mga mag-aaral sa Balangkayan National High School noong una kaming pumunta.

Sabi nila, i­naabot sila nang halos dalawang oras sa paglalakad makapasok lang sa eskuwela. Ang iba, hindi nalang nakakapasok dahil hindi kakayaning mamasahe o maglakad ng ganoon kalayo.

Isang taon na ang nakalilipas nang makapagdala kami ng multi-cab na magsusundo at maghahatid sa mga estudyante papasok sa Balangkayan National High School.

Pero katulad ng iba pang mga Angat Buhay program, hindi ito ang huli.

Bumalik kami nitong nakaraang linggo para magdala muli ng tulong sa Salcedo at Quinapondan, at kamustahin ang mga proyektong pangkabuhayan sa Balangkayan at Hernani.

Kuwento ni VP Leni, “Sa Salcedo, mayroon po tayong service vehicle [na dinala] para sa paaralan, saka nag-groundbreaking din tayo ng dormitory.

Sa central school po nila, may dinala tayo na mga athletic equipment saka training para sa soccer ng mga bata.” Maliban sa edukasyon, nakatutok din tayo sa pangkabuhayan ng ating mga kababayan sa Eastern Samar.

Kasabay ng mga tulong pang-edukasyon, sinigurado rin ni VP Leni na mabibigyan natin ng kakayahan ang mga magulang para itaguyod ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang pinagkakakitaan.

Sa Quinapondan naman, “pumunta po tayo sa pinakamalayo niyang barangay, doon sa Cambilla. Umakyat po tayo sa bundok. Binisita po natin iyong mga livelihood beneficiary natin, na binigyan natin ng livestock saka poultry noong March. Tiningnan po natin kung ano iyong epekto nito sa buhay nila. Nagdala din po tayo ng solar panels, solar kits, kasi marami-rami pa ding households doon iyong walang kuryente,” kuwento ni VP Leni.

Congresswoman pa lang si VP Leni, pinupuntahan na niya ang mga bayang ito. Marami nang pamilya ang natulungan, ngunit marami pa rin sa Eastern at Western Samar ang nangangailangan.