Una sa Balita

Patuloy ang laban para sa ating mga kababayan ngayong 2019

0 359

Sinimulan natin ang 2019 nang may mala­king hamon sa pagpasok ng tropical depression (TD) Usman. Unang araw ng Enero, naminsala si Usman sa MIMAROPA, Region V, at Region VIII.

Nang mabalitaan pa lang namin sa Office of the Vice President ang posibilidad na mara­ming kababayan natin ang maaaring maapektuhan, agad na kaming nagtrabaho para makalikom at makapagdala ng tulong.

Sa pamumuno ni VP Leni Robredo at sa pakikipagtulungan ng mga Angat Buhay partner, isang araw matapos maminsala ng TD Usman ay nagdala na kami agad ng relief goods sa Camarines Sur.

Mga food pack at bottled water ang dala namin para sa mga naapektuhan ng landslide. Pero simula pa lang ito.

Gaya ng mga naunang kuwento ko tungkol sa Angat Buhay, hindi kami tumitigil sa pagtulong sa ating mga kababayan. Kung mayroong disaster relief, kapares nito ang rehabilitation.

“[I]yong pinakamahirap sa lahat, hindi nga nila alam kung ano iyong babalikan nila. Hindi lang iyong bahay iyong nawala, hindi lang iyong buhay ng kapamil­ya—pati hanapbuhay. [Kailangan] talaga ng malaking tulong para makapagsimula muli iyong mga nawalan,” kuwento ni VP Leni.

Noong bumaba si VP Leni, maliban sa pagdistribute ng relief goods, sinigurado rin niyang makakausap niya ang iba’t ibang mga local go­vernment unit ng mga barangay para malaman kung ano ang kailangan para ma-rehabilitate ang mga barangay.

“Ang laking psychological na therapy iyong kinakailangan ng family members na naiwan,” sabi ni VP Leni. “Pero hindi lang siguro psychological therapy. Pati iyong paano sila magsisimula muli, lalo na iyong mga nawalan ng magulang, iyong anak na lang iyong natira. Iyong iba nga hindi nila alam kung sino… paano sila makakapag-aral muli, saan sila titira.”

“Kaya siguro, nakikiusap siguro tayo sa mga… hindi lang government agencies pero pati mga organizations na nagre-render ng help. Kami, makakatulong kami doon sa psychological therapy, kasi marami kaming mga partners na nagbibigay nito. Pero iyon sigurong mahihingi natin na tulong sa OCD saka sa NDRRMC, iyong ano lang, iyong pagsimula.”

Sa trahedyang ito rin natin makikita ang kahalagahan ng disaster preparedness. Dapat lahat ng sangay ng ating gobyerno ay magtulu­ngan para siguraduhing ligtas ang ating mga kababayan sa harap ng ganitong pagsubok.

“Iyong infrastructure na kailangang ipatayo, isipin iyong mas pangmatagalan. Halimbawa, iyong mga seawall, mahalaga iyon. Iyong flood control, mahalaga iyon. Iyong proteksyon sa mga slopes, mahalaga iyon,” dagdag ni VP Leni.

Ika nga ni VP Leni, “Anumang hamon ang dala ng panahong ito, tapat tayo sa ating sinumpaang pangako: na tuldukan ang kahirapan at iangat ang bawat Pilipino mula sa kahirapan. Tuloy ang ating laban at pagbabayanihan para sa kaunlaran.”

Kapit lang mga kababayan­­—hawak-hawak tayo at salubungin nang puno ng pag-asa ang bagong taon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy