Una sa Balita

Patulisin ang pangil ng ating Anti-Terror Law

0 339

Bilang pagtupad sa ating naipangako sa sambayanang Pilipino, karangalan ko na maging co-sponsor ng isang panukalang batas na magsisiguro sa kaligtasan ng bawat isa at mangangalaga sa kapa­yapaan sa ating bansa, ito ang Senate Bill No. 1083 o ang Anti-Terrorism Act of 2019. Hindi na lingid sa kaalaman nating lahat ang napakasamang epekto ng terorismo sa bawat isa sa atin. Maliban sa droga, maituturing din itong demonyo na siyang nagdudulot ng matin­ding pasakit, karahasan, kalungkutan at kamatayan ng mga inosenteng tao. Pagsisikapan natin, sa tulong ng ating mga kasama sa Senado, ang pagpapasa ng mas matapang at may pangil na batas kontra terorismo, itaga n’yo ‘yan sa bato!

***

Sa umiiral nating Anti-Terrorism Law, ang Republic Act 9372 o ang Human Security Act of 2007, tila mas marami pang probisyon ang nagsisilbing restriksyon sa ating mga law enforcer upang mapatawan ng mabigat na parusa ang mga terorista. Ito ang nagbunsod sa atin upang itulak ang pag-amyenda sa naturang batas at mas pabigatin ang mga parusang maaaring ipataw sa mga demonyong naghahasik ng karahasan. Base sa datos noong 2017, ang Pilipinas ay ika-12 na bansa sa buong mundo na matinding naapek­tuhan ng terorismo. Mas luma­la pa ang ating Glo­bal Terrosim Index nitong nakalipas na taon, 2018, kung saan tayo ay naging ika-sampung bansa sa buong mundo na ma­tinding naapektuhan ng terorismo. Base naman sa Institute for Econo­mics and Peace, mayroong 2,869 deaths sa ating bansa bunsod ng terror attacks mula pa noong 2001. Sa parehong datos ay may naitalang 326 deaths at lahat ng ito ay naganap noong 2017. Dahil dito, nadeklara ang mga grupong kinabibilangan ng Abu Sayyaf at Maute, na parehong nagpahayag ng suporta sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at ang New People’s Army, bilang major terrorist groups sa bansa.

Sa ating isinusulong na mga amyenda sa kasalukuyang Anti-Terrorism Law, nais kong bigyang-diin ang ating panukalang palawigin ang mga araw ng pagkakakulong sa sinumang mahuhuling suspek ng walang warrant of arrest kaugnay ng terorismo. Mula sa kasalukuyang tatlong araw lamang, mas katanggap-tanggap na gawin natin itong fourteen days upang magkaroon ng sapat na panahon ang ating mga alagad ng batas upang makapangalap ng matibay na ebidensya at makapaghain sa korte ng mas matibay na kaso.

Bagay na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga terorista. Sa katunayan, suportado natin kahit gagawing higit pa sa 14 days ang detention period sa mga walang kaluluwang ito. Marami nang Pilipino, libo-libong inosenteng biktima, ang nangamatay dahil sa tero­rismo. Ngayon na ang panahon upang magkaroon tayo ng mas matalim at epektibong batas kontra terorismo. Walang puwang sa mundo ang mga demonyong terorista, patulisin natin at itarak sa kanila ang pangil ng ating Anti-Terror Law!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More