Una sa Balita

Patimpalak sa pagsulat ng opinyon o kolum ng NSPC

By
0 440

Dahil naglabas na ng memorandum ang Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa mga nagwagi at mga hurado sa National Schools Press Conference (NSPC), maaari ko nang sabihin na isa ako sa mapalad na napiling maging hurado.

Isang magandang pagkakataon na mabigyan ang inyong lingkod ng oportunidad na maging isa sa tatlong hurado ng patimpalak sa pagsulat ng opinyon o kolum sa NSPC na ginanap sa na­kabibighaning Lungsod ng Dumaguete sa Negros Oriental noong Pebrero.

Nilahukan ng daan-daang mag-aaral buhat sa buong kapuluan ang kinikilala rin bilang ‘Olympics of Campus Journalism’. Hindi biro ang makarating sa ganitong antas ng kompetis­yon. Kailangan mo munang manalo sa division para maging delegado sa regional presscon. At kapag nanalo ka sa regional, saka pa lamang nagiging delegado sa NSPC.

Kaya naman lubos ang paghahanda ng bawat kalahok. Dibdiban ang ensayo. Dahil malaking karangalan ang dulot ng pagwawagi sa NSPC hindi lamang para sa mag-aaral kung hindi maging sa paaralan, distrito at dibisyon.

Maging ang gurong tagapagsanay ay kinikilala rin kapag nana­nalo ang mag-aaral na kanilang sinanay.
Kasama kong naging hurado ang mahusay na manunulat at kolumnis­tang si Raymond Palatino at guro ng panitikan sa Silliman University sa Dumaguete na si Ro­yanni Miel Hontucan.

Sa huli, sa kabila ng napakaraming magaga­ling na lahok, kaila­ngan naming mamili ng matatawag na nagwagi. At nangunang tatlo para sa high school Column Writing English category ay sina Kimberly Joyce de Vera ng Kingsville Advance School Inc. sa Pangasinan, unang puwesto; Claire Angelie C. Gabisay ng Dr. V. O­restes Romualdez Educatio­nal Foundation mula sa Tacloban City, ikalawang puwesto at ang nagkamit ng ikatlong puwesto na si Sophia Isabel R. Lacsamana ng Philippine Science High School Calabarzon.

Samantala, sa high school Filipino Category ng pagsulat ng opinyon, nasungkit ni Rona Carmi A. Padua ng Las Piñas National Science High School ang u­nang puwesto; Rojan J. Macario ng Zamboanga City Regional Science High School para sa ikalawang puwesto at si Amadine Bertille Bitoon ng Compostela Science and Technology High School sa Cebu ang nagkamit ng ikatlong puwesto.

Hangad ko para sa mga nagsipagwaging hindi lamang sana ma­ging panandalian ang ningas ng kanilang pagnanasang makapag­lingkod sa sambayanan sa pamamagitan ng kanilang panulat. Lalo ngayong laganap ang kamangmangan at pagmamangmang sa ating kapwa.

Napag-uusapan din lamang ang pagiging kolumnista, alam ba ninyong ang salitang pinagmulan nito ay ‘columna’? Mula sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay haligi. Buhat dito nanggaling ang vertical na puwesto ng mga ko­lumnista sa pahayagan.

Kapag kolumnista, may mine-maintain na espasyo na karaniwan ay sa paraang pang-column. Parang haligi.

Ngunit hindi lang dahil sa biswal na aspekto tinatawag na kolumnis­ta ang manunulat sa pahayagan. Kadalasan, ibinibigay sa mga tao na mayroong lubos na integridad ang pagko-column sa pahayagang kanyang kinabibila­ngan.
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes