Una sa Balita

Pati isip ng Pinoy pinapasakop sa China

By
0 823

Mukhang hindi pa kontento ang China sa pagsakop ng ating teritoryo sa West Phi­lippine Sea, pagwasak nang tuluyan sa Scarborough Shoal at harap-harapang pagnanakaw sa kababayan nating mangingisda. Ngayon, pinapapasok pa ng administrasyong Duterte ang China para impluwensiyahan ang isip ng mga Filipino.

Kitang-kita ito sa desisyon ng People’s Television Network (PTV-4) na ipalabas ang mga Chinese TV series, movie, documentary, at cartoon sa naturang istasyon. Ang PTV-4 ay pag-aari at direktang pinamamahalaan ng gobyerno. Ang pagpapatakbo rito ay ginagastusan gamit ang kaban ng bayan.

Hindi maunawaan ng karamihan sa atin kung bakit isinusulong ni PCOO Secretary Martin Andanar ang aksiyong ito. Ang pag-ere ng kanilang mga programa ay magsisilbing paraan ng China upang ikondisyon ang kamalayan ng mga Filipino na unti-unting tanggapin ang kanilang kultura.

Ang mas nagpapalala dito ay maaari itong magamit bilang behikulo ng pagsulong ng propaganda ng China. Kinukondisyon ang isipan ng mga tao sa mabuting pakiki­pagkaibigan ng China habang ninanakaw naman nila ang ating mga teritoryo sa West Philippine Sea at pinagsasamantalahan ang ating mga mangingisda doon. Ang paggamit ng tila inosenteng mga programa ay parte ng kabuuang estratehiya ng China upang isulong ang kanilang mga interes sa West Philippine Sea.

Dapat ipatupad ng PTV-4 ang kanilang mandato bilang state TV network. Ipalabas ang mga programang nagtuturo at nagpapa­tibay ng mga kaugalian, kasaysayan at kulturang Filipino – hindi iyong mga programang tila nagmumungkahi ng kataksilan sa bayan.

Ang China ang pa­ngunahing banta sa ating pambansang seguridad dahil sa pa­tuloy nilang panga­ngamkam at paninira sa ating mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Ngunit, hindi lamang isla ang kanyang puwedeng sakupin. Maaari rin itong makapasok nang tuluyan sa kultura at kamalayaan ng mga Filipino. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit sa kabila ng banta sa ating seguridad at harap-harapang pagyurak sa ating mga karapatan bilang isang bansa, pinapahintulutan pa rin ng administrasyong Duterte ang ganitong mga uri ng panghihimasok ng China sa ating politika at ekonomiya, at ngayon, pati sa kultura.

Tumindig tayo laban sa lahat ng anyo ng ganitong panghihimasok. Huwag nating tanggapin ang dayuhang puwersa na sapilitang ipinapalunok sa atin ng administrasyong Duterte. Pagpapatunay lamang ito na ang independent foreign policy na iniyayabang ng administrasyon ay malayong-malayo sa katotohanan.