Una sa Balita

Pateros bilang ‘balut capital’ tumamlay

0 234

Maliit kung ituring ang munisipalidad ng Pateros na nalalabing bayan sa Metro Manila subalit higante ang dating nito sa mata ng publiko kung industriya ng ba­lut ang pag-uusapan.

Bukod sa napakasarap at napakamura ang balut at itlog na maalat sa bayan ng Pateros, dito rin kinukuha ng mga magbabalut ang itlog ng itik dahil sa dami ng mga nag-aalaga bunga na rin ng mayamang mi­neral na nakukuha mismo sa mga tubigan.

Hindi na gumugugol pa ng malaki sa pagkain ng itik ang mga nag-aalaga dahil sa mismong yaman ng tubigan tulad ng mga suso, nangi­nginain ang mga ito na siyang mabilis na nagpapa­dami sa kanilang lahi.

Gayunman, sa paglipas ng taon, napabayaan nang husto ang kalikasan hanggang sa magsimulang dumumi at masalaula ang Ilog ng Pasig na nag-uugnay sa mga tubigan at ilog sa Pateros na naging dahilan upang unti-unting mawalan ng pagkain ang mga itik at matuyo nang tuluyan ang kanilang tirahan.

Dagdag pa ang pag-usbong ng mga water lilies na bumabara sa pagdaloy ng tubig kaya’t sa halip na maging malinis ang tubigan ay nakadaragdag pa ito sa polusyon.

Dahil dito, nahinto ang pag-aalaga ng itik ng marami habang ang ilan ay nagpasyang ibenta ang kanilang lugar na karamihan ay tinayuan ng mga gusali at condominium habang ang iba ay tinayuan ng tirahan at establisimyento.

Nakadagdag pa rito ang pagkabigo ng mga dating negosyanteng gumagawa ng balut na gamitin ang makabagong teknolohiya na magsisilbi sanang daan upang dumami ang kanilang produksiyon.

Sa panayam ng Abante kay Pate­ros Police chief P/Col. Simnar Gran, sa kanya ani­yang pagkakaalam ay halos lahat ng parte ng ilog sa kanilang bayan na pinagtatampisawan ng mga itik ay natuyo na.

May 10 taon na ani­yang naglaho ang pag-aalaga ng itik sa bayan sa mga barangay na dating mayaman sa tubigan at itikan tulad ng Barangay Sta. Ana, San Roque at Agoho.

Dahil sa pagkaubos ng itikan sa Pateros, sinabi ni Col. Gran na maraming mga residente na ang dating ang ikinabubuhay ay ang paggawa ng balut at itlog na maalat ang tumigil sa negosyo bagama’t may ilan pa ring itinuloy ang ipinamana sa kanila ng kanilang mga ninuno.

Sinabi ng opisyal na hindi natigil ang pagtangkilik ng marami sa balut na gawa sa Pateros bagama’t malaki ang itinaas ng presyo nito dahil kinakailangan pang umangkat ng itlog ng itik sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Laguna at iba pang bahagi ng Calabarzon na patuloy na nakapag-aalaga ng itik.

Sa panayam ng Abante kay Veronica, minana lamang aniya ng kanyang mga magulang sa kanilang ninuno ang pagnenegosyo ng balut kaya’t kailangan niya at ng kanyang asawa na isa ring magbabalut na pangalagaan ito lalu na’t may tulong din naman silang tinatanggap sa munisipyo.

Sa ngayon aniya ay makabagong teknolohiya na ang kanilang ginagawa tulad ng pagsilip muna sa mga inangkat na itlog upang matiyak na bago nila ilagay sa incubator ay aalamin kung mabubuhay at lalaki pa ang mga si­siw ng mula 17 hanggang 19 na raw.

Bagama’t hindi na tulad ng dati na halos nasa P10,000 kada araw ang kanilang benta dahil masu­werte silang makapagbenta ng mula P5,000 hanggang P7,000 kada araw ay tuloy pa rin ang negosyo.

Ang malaking porsi­yento ng puhunan ay napupunta lamang sa transportation expenses dahil malalayo pa ang mga lugar na pinagkukuhanan nila ng itlog, bukod sa bagsak pres­yo pa dahil P13 kada isa ang pasa nila sa mga retailer na ibinibenta naman ng mula P16-P18 isa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy