Una sa Balita

PATAYAN VS ILLEGAL DRUGS, WALANG PUKNAT!

By , ,
0 13

Patuloy pa rin pina­igting ng awtoridad ang panghuhuli sa mga nagtutulak at gumagamit ng pinagbabawal na gamot sa buong Metro Manila.

Apat na katao ang bumulagta sa magkakahiwalay na lugar ng Muntinlupa, Maynila, Parañaque at Quezon City habang dalawang Taiwanese national ang arestado sa paggawa ng shabu sa Las Piñas City

Sa Muntilupa, patay ang isang notorious na tulak ng droga nang manlaban umano at makipagbarilan sa mga pulis nang arestuhin ito sa isang sa buy-bust operation kamakalawa ng gabi.

Sa inilabas na report ni Supt. Criselda De Guzman ng Station Anti-Illegal Drugs–Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ng Muntinlupa City Police na nakilala ang suspect na si Jun Vivo, alyas ‘Bangus /Kareem’ isa umanong kilalang drug pusher sa Purok 4, Extension, Brgy. Alabang, Muntinlupa City.

Upang maaresto si Vivo, isang operatiba mula sa SAID-SOTG ang nagpanggap na buyer ng droga dakong alas-11:30 ng gabi sa Brgy. Alabang nang nasabing lungsod.

Sa gitna nang bentahan ng droga ay agad na natuguan nito na isang pulis ang bumibili ng shabu na kung saan agad itong bumunot ng baril at pinaputukan ang naturang pulis ngunit hindi naman ito tinamaan.

Hanggang sa naki­pagpalitan ng putok ang suspect sa mga awtoridad at makalipas ang tatlong minutong palitan ng putok duguang bumulagta at wala nang buhay ang suspect.

Sa Baclaran, Parañaque City, wala ng buhay nang matagpuan ang isang pedicab driver na hinihinalang tulak ng droga na may mga tama ng bala ng baril sa katawan kahapon ng madaling-araw .

Sa pamamagitan ng nakuhang identification card nakilala ang biktima na si Marvin Toston, alyas Burdado, 40-anyos ng Baclaran nang nasabing lungsod.

Dakong alas-dos ng madaling-araw ng makatanggap ng tawag mula sa mga residente ang mga opisyal ng barangay sa Baclaran hinggil sa pagkakatagpo sa bangkay ng biktima na kung saan may isang papel na iniwan sa katawan nito na nakasaad na “Huwag tularan, pusher ako”.

Sa Sta. Ana, Maynila, nagtapos ang buhay ng isang hinihinalang drug pusher matapos makipag­palitan ng putok sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) nang tangkain itong arestuhin.

Kinilala ang nasawing suspek na si Conrado Veroña, nasa hustong gulang, residente ng Barangay 774, Sta. Ana na nagtamo ng tama ng bala mula sa mga tauhan ng MPD.

Sinasabing maliban sa panghoholdap at kilala rin ang suspek na tulak ng ipinagbabawal na gamot kung kaya’t itinuturing itong salot ng lipunan.

Sa QC, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nanlaban sa mga pulis matapos sitahin dahil sa kahina-hinalang kilos subalit nanlaban nang lalapitan na.

Napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok na naging dahilan para masawi ang isa habang mabilis naman nakatakas ang kasama nito.