Una sa Balita

Patayan sa Nueva Ecija dahil sa mga kontrata?

Part 1

By
0 1,933

PAGPASOK pa lang ng taong 2018 ay mara­ming Nueva Ecijano ang nagulat sa nangyaring pagpaslang ng mga ‘di nakilalang armado kay Mary Ann ‘Meann’ Hernandez, 38, chief admi­nistrative staff ni Nueva Ecija Governor Czarina ‘Cherry’ Umali

Enero 14, araw ng Linggo, dakong alas-sais nang gabi ay nasa sasakyan ang biktima, kasama ang kanyang asawa, dalawang anak at 3 iba pa nang pagbabarilin ng dalawang armado, habang nagpapakarga sa gasolinahan.

Kagagaling lang ng mag-anak sa Baguio City, kung saan nakasama roon ang ilang kaopisina mula Kapitolyo ng lalawigan.

Agarang nag-alok si Gov. Cherry ng pabuyang P1M para sa ikalulutas ng kaso at ‘work related’ ang sinisilip na motibo.

Naging punto ng imbestigasyon ang papel o trabaho ni Hernandez, na tinaguriang ‘Girl Friday’ ng mag-asawang Gov. Cherry at mister na dating Gov. Aurelio ‘Oyie’ Umali.

“Lahat kasi ng mga kumakausap kina Gov. Oyie at Gov. Cherry dumaraan kay Meann. Kaya lahat na katransaksiyon, nakaalalay si Hernandez,” ayon sa isang insider sa Kapitolyo.

Lumutang ang mga espekulasyon na baka may sumama ang loob kay Hernandez dahil umano sa nadisgusto nang sumablay ang kontrata o negosyo nito na dumaan sa kanya.

Gayunman, may da­lawang naaresto sa San Jose City sa ibang kaso at nabuking sa kanilang cellphone na nakipagnegosasyon para isagawa ang paglikida kay Hernandez.

May pangatlong salaring sumuko at may itinurong kumontrata sa kanila.

Kaso biglang nawala ang kumontrata at hindi na matunton ng pulis kaya hanggang ngayon, blangko ang pulis kung sino ang ‘brain’ sa Hernandez murder.

Gov. Cherry nag-alok muli ng P1M

Nitong nakaraang Linggo ay nag-alok na muli si Gov. Cherry ng P1M pabuya sa pagkamatay ni General Tiñio Mayor Ferdinand ‘Ferdie’ Padolina Bote, 57.

Nitong Hulyo 3 nang hapon, anim na tama ng baril mula sa ‘di pa kilalang salarin ang kumitil sa buhay ni Mayor Bote na tinambangan sa may gate ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS), Maharlika Highway, Brgy. Imelda, Cabanatuan City.

Nakasakay sa harapan ng kanyang SUV na may plakang AAB-2020, nang paulanan ng putok ng mga salarin na nagmula sa tapat ng Simply N pharmacy.

Sinamahan sa NIA office ni Mayor Bote ang anak na si Dino, na duma­lo sa pre bid conference ng dalawang proyekto na nagkakahalaga ng mahi­git P25M na nilahukan ng Lisa Cons­truction na pag-aari ng pamilya Bote.

Tatlong motibo umano ang sinisilip ng pulis kabilang ang ukol sa politika, quarry ope­rations at negosyo sa pangongontrata ng mga government project.

Nakatakdang ilibing si Mayor Bote sa Hulyo 10 nang umaga at tiyak aalingawngaw ang pa­nawagan para sa hustisya.