Una sa Balita

Patay sa 24-oras na drug raid, 32 na

By , ,
0 11

Sumampa na sa 32 armadong drug pusher ang napatay at 109 katao ang nadakip sa isinagawang 67 police anti-drug ope­rations sa lalawigan sa nakalipas na 24-oras.

Katuwang ng Provincial Intelligence Branch (PIB) at Provincial Public Safety Company (PPSC) ang 24 police stations ng Bulacan-PNP sa isina­gawang pagsalakay na nagsimula kamakalawa hanggang kahapon.

Ayon kay P/Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., Bulacan police director, nasawi ang 32 tulak ng droga na sangkot din sa iba’t ibang kaso nang kumasa sa inilatag na police operation at dinala ang mga nadakip sa Bulacan Provincial Crime Laboratory (BPCL)-Malolos City upang sumailalim sa drug test matapos sampahan ng kasong kriminal.

Bukod sa 32 drug pusher na napatay na nagsimula ng hatinggabi ng Agosto 15 at ­natapos nang hatinggabi ng Agosto 16, nakarekober din ang Bulacan PNP ng 359 pakete ng shabu na tumitimbang ng 235 gramo, 767 gramo ng pinatu­yong dahon ng marijuana, 2 granada, 33 iba’t ibang uri ng baril, 112 bala at drug paraphernalia.

Pinakahuling napatay ay dalawang tulak, kabilang ang isang lady pus­her na si Victorina dela Cruz at kanyang kasamang si alias ‘Alvin’, kapwa taga-Barangay Atlag, Malolos City na nanlaban sa buy-bust operation dakong alas-10:45 kamakalawa ng gabi at nakuhanan ng caliber .22 at caliber .38 revolver at 2 pakete ng shabu.

Nilinaw ni Caramat na hindi ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng one time big time operations sa mga nakaraang araw pero ngayon lamang nagkaroon ng ganito karaming napatay.

Paliwanag pa nito na ang ginawa nila ay legal bagama’t marami ang nagdududa rito dahil sa marami ang napatay na hindi na nila kontrolado kapag nasa gitna na ng operasyon.

Samantala, suportado ng Malacañang ang gagawing imbestiga­s­yon ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) kaugnay ng sunud-sunod na anti-drug ops sa Bulacan.