Una sa Balita

Patay kay Usman lumobo sa 105 – PNP Bicol

0 393

UMAKYAT na sa 105 katao ang nasawi sa Bicol region dahil sa bagyong Usman, ayon sa ulat ng opisyal ng Philippine National Police (PNP) Bicol region kahapon.

Base sa ulat na ipinadala ni Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, pinakamara­ming namatay sa Camarines Sur na umaabot na sa 57 ang nasawi na sinundan ng Albay na mayroong 18 katao ang namatay.

Labinlima katao naman ang naiulat na nasawi sa Camarines Norte, walo sa Sorsogon at pito naman sa Masbate.

Mayroon namang kabuuang 53 sugatan habang patuloy pa ring pinaghahanap ang 23 katao.

Ayon pa kay Calubaquib, base na rin sa ipinadalang ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol region, patuloy pa rin ang search and retrieval operation sa bayan ng Sagnay kung saan natabunan ang halos 50 kabahayan dahil sa naganap na landslide nitong Disyembre 30 ng nakarang taon kung saan aabot sa 30 katao ang nasawi habang pinaghahanap pa ang 16 na iba pa.

Base naman sa ulat ni OCD Bicol Regional Director Claudio Yucot, ang pinakagrabeng tinamaan ng landslide at pagbaha ay ang lalawigan ng Camarines Sur kung saan naapektuhan ang pitong bayan nito, habang dalawang bayan at isang lungsod naman ang naapektuhan ng pagbaha at landslide sa Albay na sinundan ng Camarines Norte na may tatlong bayan. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy