Una sa Balita

Patas na karapatan

By
0 63

Nilagdaan na ng Hari ng Kingdom of Saudi Arabia na si King Salman ang kautusan na nagsasabing pwede na makapagmaneho ang mga babae sa KSA.

Ito ay isang mala­king hakbang para sa KSA kung saan napakahigpit ng mga batas at napakarami ng limitasyon sa mga pribiliheyo para sa mga kababaihan.

Bagama’t wala naman sa batas ng Saudi Arabia na nagsasabi na bawal magmaneho ang mga babae, ang mga lokal na awtoridad na mismo ng KSA ang tumatanggi sa mga babaeng nais mag-aplay para makakuha ng lisensya sa pagmamaneho, bagay na nagresulta sa ‘de facto ban’.

Ang dahilan umano sa pagbabawal ayon sa ilang Islamic scholars ay dahil kapag hindi nasubaybayan ang mga babae tuwing sila ay babiyahe, maaring sila ay makipagkita o makihalobilo sa mga lalaking hindi nila kaano-ano, bagay na ipinagbabawal base sa prinsipyo ng ‘gender segregation’ na ipinatutupad sa KSA.

Ikinatuwa naman ng mga citizen at netizen ang balitang ito lalo na’t matagal na rin nakatutok ang international community sa human rights record ng KSA.

Kinikilala ito ng ilang women’s rights group bilang tagumpay sa hinaba-haba ng panahon na ipinaglalaban ang pagpapatupad ng pantay na karapatan para sa mga kababaihan.

Sa kabila nito, marami pa ring mga bagay ang ipinagbabawal para sa mga babae sa KSA.

Ang mga utos na ito ay dapat din sundin ng mga kababaihan na nagtutungo sa Saudi Arabia, mapaturista man o manggagawa kagaya ng mga OFW.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ang mga sumusunod:

1. Mag-desisyon ng hindi humihingi ng permiso sa kanyang ‘wali’ o opisyal na lalaking guar­dian kagaya ng asawa, tatay, lalaking kapatid o uncle.

2. Dress code para sa mga kababaihan: bawal magsuot ng mga damit na magpapakita ng balat, masyadong makapal na make-up, maglugay ng buhok sa mga pampublikong lugar. Kailangan palaging nakasuot ng abaya na walang dekorasyon.

3. Makipaghalobilo sa mga kalalakihan na hindi nila kaano-ano. Magkahiwalay ang babae at lalaki sa mga pampublikong transportasyon, park, beach, at iba pang lugar. Mahipit ang parusa at maaari pang mahuli ng religious police ang lalabag sa utos na ito.

4. Bawal lumangoy sa pampublikong swimming pool at beach. Pinapayagan lang mag-swimming sa mga pribadong resort o pambabaeng swimming pool lamang.

5. Makilahok sa pa­lakasan. Hindi pa rin tanggap sa Saudi Arabia na kayang makipagsabayan ng mga kababaihan sa larangan ng sports. Noong nagpadala ang Saudi Arabia ng mga atleta sa 2012 Olympics, mababa pa rin ang tingin ng mga konserbatibong Saudi nationals sa mga babaeng atleta.

6. Bawal magsukat ng damit sa mga tindahan. Hindi pinapayagan na mag­hubad ang mga babae sa publiko maski sa loob ng dressing room.

Makinig sa ‘Radyo OFW’ 8:00-10:00pm tuwing Lunes-Biyernes sa Radyo Pilipinas 738 AM, Facebook live: www.fb.com/RadyoOFW Email: radyoofw@gmail.com