Una sa Balita

Pasyal at your own risk

0 374

Parang kanta ni idol Gary Valenciano na ‘Eto na Naman,’ eto naman ang isyu tungkol sa mga pangunahing lugar sa Pilipinas na dinadagsa ng mga turista, lokal man o banyaga, na walang matinong ospital na pupuntahan kapag may nadisgrasya.

Pero bago  ‘yan, ipapaalala lang natin na Linggo ng Palaspas sa Linggo kaya hindi dapat kalimutan ng mga kababayan nating sumusunod sa tradisyon ng mga Katoliko-Kristiyano na magsimba. Aba’y maglaan ka naman tsong ng isang oras para magsimba at bumili ng palaspas at iyong pabasbasan.

Mahiya ka naman sa kapitbahay mo na ilang taon mo nang pinapakisuyuan na ibili ka ng paspasan. Lagi ka pang may request na huwag itong kalilimutang pabasbasan sa pari samantalang hindi ka naman nagbibigay ng kahit man lang pang­pamasahe. At kapag nakuha mo na ang palaspas, aba’y todo display ka pa nito sa pinto at bintana para bang napakarelihiyoso mo.

Dahil itinuturing ‘holy week’ na rin sa susunod na linggo, baka kahit papaano eh magawa mo ring makapagtika ika nga ng kahit man lang isang linggo. Bawasan natin o kaya itigil muna ang mga kalokohan sa loob ng isang linggo bilang sakri­pisyo, iyon eh kung hindi mo kayang magpakatino ng buong buhay mo. 

Sabi nga ng isa na­ting kurimaw na linggo-linggong nagsisimba, hindi raw niya kayang ‘mag-ayuno’ mula sa Ash Wednesday kaya raw sa Holy Week siya bu­mabawi at ‘nagpapakabanal’. Kahit papaano eh umeffort naman ang kulokoy.

At pagkatapos ng Semana Santa, asahan na lalo nang dadagsa ang mga bakasyunista o tu­rista sa mga paboritong pasyalan sa bansa. Pero kamakailan lang mga tsong eh naging usap-usapan na naman ang kahandaan ng mga heath facility sa mga pasyalan na dinagsa ng mga lokal at dayuhang turista kapag may emergency, tulad ng Siargao.

Kamakailan kasi, nagbakasyon doon ang FilAm na Victoria Secret model na si Kelsey Merritt, kasama ang nobyong Olympic gold medalist na si Conor Dwyer. Dahil kilalang surfing capital ang Siargao, nag-surfing si Dwyer pero nadisgrasya.

Nagtamo ng malaking sugat sa ulo si Dwyer na kailangan tahiin. Pero laking dismaya nila na klinika lang ang mayroon sa lugar at walang ospital. Mabuti na lang daw at may marunong ‘magtahi’ ng sugat sa klinika kaya naampat ang pagdurugo. Pero siyempre, naputol ang masaya nilang bakasyon para ilipat ang dayuhan sa tamang ospital para sa tamang pagtugon sa sitwasyon.

Hindi iyon ang unang pagkakataon na may pumuna sa Siargao na walang matinong ospital para gumamot sa mga naaksidente. Noong nakaraang taon, ang anak ng broadcast journalist na si Karen Davila ang naaksidente doon. Iyon nga lang, isang taon ang lumipas, nganga ang lokal at panlalawigang pamahalaan at ma­ging ang Department of Health at Tourism sa isyu.

Pero hindi lang ang Siargao ang may ganyang problema. Pati ang isla ng Boracay na daang libo ang mga nagpupuntang turista, wala ring matinong ospital. Kaila­ngan mo pang itawid sa dagat ang pasyente kung malala ang kalagayan nito. But wait, may isang ulat din na lumabas na maging ang El Nido sa Palawan eh problema rin ang kawalan ng ospital sa lugar. Papaano kaya ang Coron sa Palawan din na puntahan ng mga tao?

Ang isa pang madalas na puntahan ng mga tu­rista na Batanes, nabasa natin na mayroon silang general hospital sa Basco at district hospital sa Itbayat, na kung maayos ang pasilidad, mukha namang makakahinga nang maluwag ang mga turista. Pero papaano sa iba? Aba’y bilyong-bilyon ang kinikita ng mga pasyalan na ito pero tila wala silang malasakit sa mga turista at sa kanilang mga kababayan na humaharap sa mga turista.

Sabi ng Tourism department gagawan daw nila ng paraan at makikipag-ugnayan sila sa mga lokal na pamahalaan para tugunan ang problema sa usapin ng health facility sa mga tourist destination. Ibig sabihin, hihintayin pa natin kung totoo nga ang kanilang sinasabi o kung may mangyayari nga. For the meantime habang panahon na ng bakasyon, aba’y ingat na lang mga tsong at iwas sakit at sakuna sa mga pasyalan na walang matinong ospital pero nauubos sa kanila ang iyong pera. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy