Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pasukan na naman!

0 14

Mainit na pagbati mga kababayan kong Bicolano! Sa darating na Lunes, Setyembre 13, magsisimula na ang School Year 2021-2022 para sa milyun-milyong mag-aaral sa primary at secondary schools sa bansa. Sa huling tala nitong Lunes, 17.9 milyong estudyante na ang nakapag-enroll para sa darating na pasukan.

Mag-aaral sila sa loob ng 209 school days hanggang Hunyo 24, 2022. At dahil sa pandemya, mananatiling blended learning ang kanilang pag-aaral, maliban na lang kung ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng face-to-face classes sa mga piling lugar na may mababang kaso ng COVID-19. Ang tanging payo ko sa ating mga kabataan – pagbutihin nyo ang pag-aaral dahil ito’y susi tungo sa magandang kinabukasan.

Sakaling makatuntong kayo sa kolehiyo, nandito ang inyong lingkod at ang Ako Bicol Party-list na handang tumulong upang makamit ang inyong pangarap sa buhay. Marami na po tayong natulungang makapagtapos ng kolehiyo na ngayo’y produktibong mamamayan na. Dahil may trabaho, sila’y nakatutulong sa gastusin ng kanilang magulang, sa pagbuo ng sarili nilang pamilya at maging responsableng bahagi ng kanilang komunidad.

Nakakataba ng puso ang mga nababasa kong mensahe ng pasasalamat sa inyong lingkod, kay Cong. Alfredo Garbin, Jr., at sa Ako Bicol Party-list mula sa mga mag-aaral na nakakuha ng educational assistance para sila’y makapagtapos ng pag-aaral.

Kabilang dito sina Roberto S. Abendano ng Labo, Camarines Norte na nakapagtapos ng kursong Bachelor of Elementary Education at nangangarap maging guro; Richard Malate ng Barangay Bitano, Legazpi City, graduate ng kursong Bachelor of Arts Major in Broadcasting sa Bicol University na naghahanda nang sumabak sa media industry; at Mary Angela Lopez Mahilum ng Barangay Mancruz, Daet, Camarines Norte na nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Criminology.

Naging ganap namang bumbero si Jamil N. Tuacar ng Barangay Alayao, Capalonga, Camarines Norte dahil nakapagtapos siya ng BS Criminology sa pamamagitan ng educational assistance mula sa inyong lingkod at Ako Bicol Party-list.

Ilan lamang sila sa mga scholars at libo-libong Bicolanong natutulungan ng Ako Bicol Party-list sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Marami pa po tayong tinutulungan sa kanilang pag-aaral. Noong Setyembre 3 lamang, mahigit 80 mag-aaral ang dumalo sa Ako Bicol-Educational Assistance Orientation na ginanap sa Minalabac National High School sa Del Carmen-Del Rosario, Minalabac, Camarines Sur. Ang programang ito’y bahagi ng “Tabang sa Edukasyon” na naglalayong tulungan ang mga estudyanteng nais magpatuloy ng kanilang pag-aaral.

Namahagi rin ang Ako Bicol Party-list ng mga computer tablets sa mga piling mag-aaral na maaari nilang magamit sa kanilang online classes.

Makakaasa po kayong ipagpatuloy ng inyong lingkod at ng Ako Bicol ang paghahatid ng tulong at suporta sa mga kababayan nating nahihirapan lalo ngayong panahon ng pandemya. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano.

Leave A Reply

Your email address will not be published.