Una sa Balita

Pastor Apolinario sa mga miyembro ng Kapa: Relax! Kayang-kaya natin ‘to

0 531

Pumalag ang lider ng Kapa Community International sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ipasara ang Surigao-based religious cult at ang pagpapaaresto sa mga lider.

Sa interview ni Pastor Apollo Quiboloy kay Duterte noong Sabado nang madaling-araw, sinabi ng Pangulo na ang Kapa ay sangkot sa ‘pyramid scheme’ at ang mga taong nagtatrabaho dito ay mga anak ni Lucifer dahil sa mga ipinapangakong mala­king makukuha kapag nagbigay ng donasyon sa ministry.

“Hindi po tayo ‘yun. ‘Yung ipina-stop niya ‘yung lang walang kaukulang papeles na biglang sumulpot na parang kabute, mga walang ligalidad.

Tayo ay ligal po, may papers tayong ipakita,” saad ni Apolinario sa YouTube video.

“Bilang member, ma­ging matatag po tayo kasi ligal at isa po tayong religious group,” dagdag pa niya.

Sinabihan pa ni Apolinario ang kanyang mga miyembro na huwag magpanik at mag-relax lamang sa mga kinakaharap nilang krisis.

“Sa lahat po ng member at new members, just relax, ‘wag kayong matakot, kayang-kaya natin ito. Isa lang itong delubyo na nangyari sa grupo, mga pagsubok lang ang nangyari… madali lang ito, 10 days lang ang sisikapin,” diin pa niya.

Nanindigan pa si Apolinario na walang kapangyarihan ang mga awtoridad para ipasara ang Kapa kung wala naman silang court injunction.

Noong Pebrero, binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang certificate of incorporation ng Kapa dahil sa iligal na pagso-solicit ng pondo. Pinapangakuan umano ng Kapa ng 30% monthly return ang mga nagbibigay ng donasyon sa grupo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy