Una sa Balita

‘Pastillas’ Gang kinatay ni Digong

0 557

SINIBAK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa nabunyag na ‘pastillas’ scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na galit ang Pangulo sa nabunyag na modus ng ilang taga-BI dahil isa aniya itong talamak na katiwalian.

Nakarating mismo aniya kay Pangulong Duterte ang report na may probable cause o batayan para sibakin ang naturang mga opisyal at empleyado ng immigration kaya mahaharap sa kasong kriminal ang mga sangkot sa ‘pastillas’ scandal.

Tiniyak ni Panelo na ipapataw ang angkop na kaparusahan laban sa mga opisyal at tauhan ng BI na mapapatunayang guilty sa katiwalian.

“President Rodrigo Roa Duterte has relieved all officials and employees of the Bureau of Immigration who are involved in the latest bribery scheme where they purportedly facilitate the entry into — and exit from — Philippine territory of foreigners working for Philippine offshore gaming operators (POGOs) for an unauthorized fee,” ani Panelo.

Wala aniyang sasantuhin si Pangulong Duterte sa kanyang kampanya kahit sino pa ang masaga­saan dahil isa sa adhikain nito sa kanyang admi­nistrasyon ay malinis ang bansa at burukrasya sa talamak na problema sa katiwalian.

90% ng BI personnel sabit sa scam

Lumantad naman kahapon sa Senado ang whistleblower kung saan ibinunyag nito ang sindikato sa BI na nasa likod ng multi-billion ‘pastillas’ mo­ney-making scheme. Halos 90 porsiyento umano ng immigration personnel ang sangkot sa scam.

Sa pagdinig kahapon sa Senado, inihayag ni Allison Aguas Chiong, immigration officer sa BI-NAIA, na nagsimula ang scam nang tanggalin ng Department of Justice (DOJ) ang overtime pay sa immig­ration officer.

At para mapunan ang nawala sa kanilang suweldo, ilang immigration officer ang nag-alok ng ‘VIP services’ para sa mga immigrant partikular ang mga casino high-roller.

Ang VIP service ay kinasasangkutan ng mga immigration officer na tumatanggap ng P2,000 kada high-roller kapalit ng mabilisang pagpapalusot sa kanila.

Nang makitang may pera sa operasyon, nagdesisyon ang mga hepe ng Travel Control Enforcement Unit (TCEU) na sina Bien Guevarra, Glen Comia, at Den Binsil, na dating tauhan ni Ports Operation Division (POD) chief Red Marinas, na i-takeover ang operasyon.

“They took control of the collections from ente­ring and departing passengers then disbursed commission at the end of every week,” lahad ni Chiong.

Noong 2017, nagsimulang dumagsa ang mga Chinese national sa Pilipinas. Sabi ni Chiong, tinatayang 2,000 Chinese ang dumadating sa airport terminal kada araw.

Kuwento pa ni Chiong, sa pamamagitan ng group chat sa Viber, ang naturang mga immigration officer ay tumatatanggap ng listahan ng mga Chinese national na papasok sa bansa na hindi na dadaan sa normal na immigration process.

“These Chinese nationals were no longer required to under screening; they will simply let inside the Philippines without question or investigation,” sambit pa nito.

Sabi pa ni Chiong, binura ang unang Viber group chat nang mag-imbestiga ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng iligal na aktibidad ng mga immigration officer.

Para maiwasang mabuking, nag-iba ng galaw ang operasyon ng grupo kung saan bawat Chinese ay sinasamahan na lang ng mga ito sa holding area ng TCEU.

Isang miyembro ng TCEU ang titingin kung ang pangalan ng isang Chinese ay nasa master list. Kung nandoon, agad itong papayagang makapasok sa Pilipinas na hindi na dadaan sa screening o profiling.

Pinangalan pa ni Chiong ang nasa likod ng sindikato sa BI. Kabilang dito sina Totoy Magbuhos; Deon Albao, alyas ‘Nancy’; Paul Borja, alyas ‘Lisa’; Anthony Lopez, alyas ‘AL’; at Dennis Robles, alyas ‘DR’.

Sabi pa ni Chiong, kahit na wala na sa BI sina Guevarra, Comia at Binsol, napapatakbo pa umano nila ang kanilang operasyon sa Terminal 3.

Bawat immigration officer, ani Chiong, ay tumatanggap ng P20,000 kada linggo para sa naka-assign sa Terminal 1 at P8,000 kada linggo naman para sa mga nakatalaga sa Terminal 3.

Ayon pa kay Chiong, nagdesisyon siyang lumantad at tumestigo nang mapanood sa TV ang im­bestigasyon ng Senado sa pangunguna ni Sen. Risa Hontiveros sa isyu ng tumataas na bilang ng protitusyon sa POGO.

“I was compelled to come forward and share what I know based on my personal knowledge as a frontline immigration officer,” sambit pa nito. (Aileen Taliping/Dindo Matining/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More