Una sa Balita

‘Passport on wheels’ ng DFA nadagdagan

By
0 1,021

Tunay na tumututok ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga problemang bumabalot sa tanggapan.

Kaya naman simula sa Mayo 18, apat na karagdagang van ang ilalabas ng DFA bilang bahagi ng pinalawig na programa ng ahensiya sa passport on wheels para mabigyan ng pasaporte at iba pang consular service ang mga nasa malala­yong lugar.

Dumating ang mga van noong Mayo 4 at tiniyak muna ng ahensiya na sumailalim ang mga ito sa masusing ins­peksyon, pagpapatakbo at training ng mga tauhan nito bago tuluyang ilabas sa publiko.

Sa kabuuan, may walong passport on wheels na ang DFA na dinisenyo upang maresolba ang dumaraming numero ng mga gustong makakuha o makapag-renew ng pasaporte.

Umarangkada ang ‘passport on wheels’ ng DFA noong Enero 15 na naglalayong maibsan ang problema sa pagkuha ng passport appointment.

Una itong inilunsad sa Las Piñas noong Enero bilang pagkilala sa papel ni Sen. Cynthia Villar na co-sponsor ng batas na nagpapalawig ng vali­dity ng pasaporte sa isang dekada.

Halos puno na kasi hanggang Hunyo ang mga slot sa tanggapan ng DFA sa Maynila at ibang lalawigan para sa pagkuha ng pasaporte.

Nag-abiso rin si DFA Sec. Alan Peter Cayetano sa mga nais magtakda ng appointment na tiyagaing regular na bisitahin ang kanilang website para sa pagbubukas ng ilang slot.

“DFA will continue to exert all efforts to make passport services accessible to our people wherever they are in the country,” sabi pa ni Secretary Cayetano.

Ang passport on wheels, na sinimulan noong 15 January ngayong taon, ay nakarating na sa mahigit 82 lungsod, munisipalidad, mga opisina at organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nakarating na ito sa mga probinsiya sa Northern Luzon kabilang na ang Ilocos Norte, at maging sa Mindanao kung saan nagbigay na ito ng serbisyo sa mga residente ng Davao City.

Simula January 15 hanggang April 30, ang passport on wheels ay nakapagbigay na ng serbis­yo sa kabuuang 94,422 mga passport applicant.

Ang bawat van ay may kompletong kagamutan kagaya ng limang Data Capturing Machines na may kakayahang mag-proseso ng 500 applications.

Sa karagdagang mga unit, ang bilang ng mga aplikante na mabibigyan ng serbisyo ay tumaas na rin kung saan madaragdagan ito ng mahigit 4,000 ang puwedeng maproseso kada araw.

Sa darating na Hunyo,­ plano rin ng DFA na magdagdag pa ng dalawa pang megavans para mas marami ang maproseso ng Data Capturing Machines at muling itaas ang kapasidad ng DFA sa pagbigay ng pasaporte.

Bukod sa passport on wheels, nagpapatupad din ang DFA ng iba pang programa para sa ikaluluwag ng passport processing sa ating kababa­yan.

Ngayong araw, bubuksan ng DFA ang kanilang consular office sa Ilocos Norte at isa pa sa Isabela sa May 15.

Ang dalawang bagong consular office ay karagdagan lamang sa opisina na nagbukas kamakailan sa Tacloban. Anim pang consular office ang bubuksan sa ibang rehiyon sa mga darating na buwan.