Una sa Balita

Pasok na bata

By
0 989

Tatlong araw na kaming umiikot sa mga public school sa Cainta. Taon-taon kasi na­ging tradisyon na ito. Inaabangan ng mga bata at mga teacher ang aming pagdalaw.

Rason… namimigay kasi kami ng mga school bag, book, supply at rubber shoes sa lahat ng mga elementary school sa Cainta.

Sa pangkaraniwang taong hindi masyadong nakahalubilo sa mga mahirap… o kung hindi ka naka-touch base sa realidad, iisipin mo na ‘yung pag-aaral ay madali para sa mga mahirap kasi libre naman ang tuition fee sa public school. Sagot naman ito ng gobyerno. Pero ‘pag inisip mo, “Sapat na ba ‘yun?”

Kaya nga, sa ordinaryong mamamayan, magtataka ka kung bakit sa kabila nito, marami pa ring hindi nag-aaral na mga bata na makikita mong pakalat-kalat sa lansangan at magpapatay ng oras sa bulakbol.

Ano ba ang dahilan bakit wala sa eskuwela ang mga batang ito? Kadalasan, ang mga magulang nila ay kapos. Kasi ang sagot lang naman talaga ng gobyerno ay ‘yung libreng paaral. Paano na ‘yung araw-araw na pamasahe? ‘Yung pambili ng mga librong kailangan? ‘Yung mga school supply, ‘yung uniporme, ‘yung pang-project? ‘Yung pang-field trip?

Kaya ‘wag nating ipagwalang bahala ang laki ng gastos kahit sa public school pa sila naka-enroll. ‘Wag nating memenosin ‘yung punyagi ng magulang na maipasok sa paaralan ang kanilang mga anak kahit public school ito. Nandu’n pa rin ‘yung obligasyon na magtabi para sa pantustos ng pampaaral.

Masu­werte na lang kung ang lokal na pamahalaan ay may budget para magbigay ng dagdag tulong sa mga mag-aaral.

Sa limang taon kong pamumuno, kada taon, dinaragdagan namin nang puwedeng bigyan ng mga gamit pantulong ang mga batang ito.

Nagsimula lang kami sa day care nu’ng u­­na­ng taon, tapos sa pangalawang taon, nagbigay na rin kami sa mga kindergarten student, tapos year 3 sinama na rin ang Grade 1 and Grade 2 student, tapos last year, sinama na ang Grade 3 at ngayong taon, sakop na ang Grade 4 na binigyan naman naming nang libreng rubber shoes.

Ramdam mo sa pagbibigay ang katuwaan ng mga bata. Bago ang bag nila, ang libro nila, ang mga school supply nila… ang rubber shoes nila.

Sa mga undernourished, may 8 month feeding prog­ram ang munisipyo para pakainin ng lunch ang mga batang kulang sa timbang at nutrisyon. Isa itong pang-akit para ipasok sa eskuwela ang mga bata.

Pinagagaan natin ang responsibilidad ng mga mahirap na magulang para hindi ito maging sagabal sa kanilang desisyon na ipasok ang kanilang mga anak sa eskuwelahan. Dahil sa bandang huli, ang pamahalaan ang siyang mangunguna sa paghubog ng mga mabubuti at maa-­ayos na mamamayan sa ating bansa.
Bata, pasok na.