Una sa Balita

Pasko ng Pagkabuhay

0 445

Pansamantalang natigil ang mga gawain sa bahay, trabaho, paaralan at kung ano-ano pa na mga pinagkakaabalahan natin sa araw-araw dahil sa Semana Santa. Marami ang nagbakasyon sa probinsiya at maging sa ibang bansa. Marami rin ang pinili na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan at doon palipasin ang Mahal na Araw.

Sa pangkalahatan ay naging maayos at mapayapa naman ang paggunita sa Kuwaresma. Maliban na lamang sa ilang insidente ng mga aksidente o trahedya na sadyang hindi mapipigilan kung ito’y talagang iginuhit ng tadhana na magaganap.

Ngayon ang huling araw ng Semana Santa na tinatawag ng sambayanang Katoliko na Pasko ng Pagkabuhay. Ipagdiriwang sa araw na ito ang muling pagkabuhay ni Hesus makalipas ang tatlong araw.

Siguro naman sa lumipas na ilang araw ay nagkaroon ang lahat ng pagkakataon na makapagpahinga sa mga pisikal na gawain at nagkaroon din ng sapat na panahon para sa espirituwal na pamumuhay.

Kailangan natin ito, hindi lang ng katawan kundi ng isipan. Dahil sa pamamagitan nito ay nanunumbalik ang sigla ng ating pangangatawan. Gayundin sa isipan na kailangan din ipahinga upang manumbalik ang sigla.

Simulan natin ang pagpasok ng unang linggo ng buwan ng Abril na may sigla sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Maging positibo at tanggapin ang mga pakikibaka sa buhay bilang bahagi ng pansamantalang buhay dito sa ibabaw ng daigdig.

Samahan pa natin ng panalangin upang tayo’y higit pang pagpalain. Iyan ang kailangan natin sa pagharap sa araw-araw na buhay.