Una sa Balita

Pasimuno ng endo: 26K DOH contractual binasbasan ng DBM

0 372

Pinayagan ng Department of Budget and Management (DBM) ang Department of Health (DOH) na lumikha ng 26,035 contractual position para sa mga health worker tulad ng nurse, nutritionist, pharmacist, dentist, physical therapists, kumadrona, at iba pang medical officer.

Ang pagtatanggal ng endo ang isa sa mga campaign promises ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ng DBM kahapon, ang pagkuha ng contractual worker­s para sa DOH ay para masuportahan ang implementasyon ng Human Resource for Health Deployment Program.

Ayon sa DBM, 18 taon nang ineendo ng DOH ang mga medical at iba pang health worker nang walang employer-employee relationship at basic salaries lang ang kanilang nakukuha at walang benepisyo. Sa pag-endo sa kanila ngayon, makakatanggap sila ng Personnel Economic Relief Allowance, midyear bonus, yearend bonus, cash gift, at iba pa.

Sabi ng DBM, ang mga endo ay ipapadala sa 1,634 na lungsod at bayan at bibigyan ng prayoridad ang malalayo at mahirap maabot na lugar. Layunin kasi ng Human resource for Health Deployment Program ng DOH na magkaroon ng isang dedicated health worker sa bawat barangay para masigurong may mapupuntahan ang mga tao kahit sa loob lang ng walong oras sa isang araw pero araw-araw naman.

Kabalikat nito ang mga rural health unit ng mga local government unit para masigurong may healthcare services ang mga tao lalo na kapag emergency o may manganganak sa loob ng bahay. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy