Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pasilip kaya ni Gordon ang PRC?

0 15

Gusto mga tropapips ni President Mayor Digong Duterte na silipin ng Commission on Audit (COA) ang financial record ng Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon.

Mukhang pakiramdam ng pangulo eh nadedehado ang balwarte niya sa gobyerno dahil panay ang imbestigasyon ng komite ni Gordon na Senate Blue Ribbon committee, sa mga pinapasok na kontrata ng ilang ahensiya.

Kabilang na nga rito ang pagbili ng mga medical equipment sa Pharmally na sinasabing overpriced. Bukod dito, pinagpala ang kompanya na nakabigyan ng napakalaking kontrata na bilyon-bilyon ang halaga kahit maliit lang ang kapital.
Lumalabas din na may koneksyon sa mga kompanya ang ilang dating opisyal at parang pinagplanuhan daw ang lahat.

Siyempre, may hugot din si President Mayor Digong sa COA, na naglalabas ng mga ulat na hindi paborable sa mga ahensiya ng kaniyang pamahalaan tungkol sa paggastos sa pondo ng gobyerno.

Kaya nais niyang imbestigahan din ng COA ang PRC ni Gordon, na chairman mula pa yata ng 2004. Pero may mga nagsasabi na hindi raw puwedeng ipa-COA ang PRC dahil isa itong non-governmental institution.

Ngunit sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, puwedeng ipasilip sa COA ang financial record ng PRC dahil tumatanggap ito ng subsidy o pondo mula sa pamahalaan.

Pero bukod sa subsidiya mula sa pamahalaan, aba’y nakakuha rin ng malaking kontrata ang PRC sa Philhealth ngayong pandemic para sa swab test. Umabot nga noon sa P800 milyon ang utang daw ng PhilHealth sa PRC.

Nagbanta pa nga noon si Gordon na ipatitigil ang kanilang ginagawang swab test (na noon ay nakatoka sa mga OFW) kung hindi sila mababayaran.

May mga alegasyon at tanong din sa presyo na sinisingil ng PRC sa kanilang serbisyo na mataas daw gayung ang mga gamit naman nila eh donasyon. Bukod doon, batay sa batas patungkol sa PRC, tax free sila. Kaya inaasahan na dapat talagang mas mura ang serbisyo ng PRC.

Kung chairman ng PRC si Gordon, aba’y sa ilalim pala ng batas o ang Philippine Red Cross Act, ang tumatayong Honorary President ng PRC ay ang pangulo ng bansa–na ngayon si President Mayor Digong.

At dapat ay nagbibigay ang PRC ng annual report sa pangulo.Ang tanong, nasusunod kaya ang pagsusumite ng PRC ng annual report sa pangulo kahit hindi malinaw kung ano ang sinasabing dapat nilang ireport?

Walang malinaw na sagot si Gordon sa hirit ng Palasyo na i-audit ang pondo ng PRC dahil panlansi lang daw at panggulo ang naturang plano sa ginagawa nilang imbestigasyon sa DOH.

Hinahalukay ngayon ng Senado kung papaano ginamit ng DOH ang pondo sa pandemic response, na umabot na nga sa Pharmally at sa Procurement Service ng Department of Budget and Management.

Pero kung nagsusumite ang PRC ng annual report na may kaugnayan sa pondo, aba’y baka puwede nang magsimula rito ang Palasyo. At kung hindi kumilos ang COA sa pag-audit sa PRC, isang resolusyon lang ang katapat niyan sa Senado at Kamara kung talagang nais nilang imbestigahan ang PRC–“in aid of legislation.”

Ang tanong, may kaalyado kayang senador o congressman ang Palasyo na handang makipagtalakan kay Gordon sa hearing para ihain ang resolusyon? Aba’y abangan natin mga tropapips. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.