Una sa Balita

Pasensiyahan tayo

By
0 1,015

May nanay na umiiyak sa akin. Nahuli kasi ang anak niyang nang-snatch ng cellphone ng isang estudyante sa may overpass. Kaharap ko yung biktima. Nagmamakaawa naman yung magulang ng suspek na iatras ang demanda.

Sa ganyang banda, dahil menor de edad pa ang bata, sa reception center ng children in conflict with law naming sila dinadala kapag nahuli habang dinidinig ang kaso.

“Maawa na po kayo mayor. May exam po yan bukas. Hindi po siya makaka-graduate pagkinulong niyo siya dahil hindi siya nakapag-exam.”

Ang sagot ko: “Eh bakit ngayon niyo lang naisip yan. Sana bago siya gumawa ng kalokohan eh naisip niya yung maaring mangyari sa kanya pagnahuli at nakulong siya.”

Yung pagiging protektibo ng magulang, hindi na natin maaalis yan. Bukal at puro kasi ang pagmamahal natin sakanila. Kaya kahit mali, gagawin natin ang lahat para hindi sila maparusahan at makalusot sa mga gusot na pinasok nila.

Pero sa bandang mali, sa tuwing makalusot ang bata sa kanyang maling gawain, lalong lumalakas ang loob nito na ulitin ito… sa paniniwalang ang pagiging bata niya ay lisensya para ituloy niya ito. Andyan naman si nanay at tatay na sasagot at paplantsa ng mga gusot ko..

Mali naman ata ito.. Mahirap silang para­ting pagbibigyan. Hindi mala­yong lumalala ang pagi­ging takaw krimen ng isang tao sa ganitong sitwasyon. Nagsisimula sa maliit na krimen, natatapos sa mga sindikato ng gawain.

Dapat, maaga pa lang, hinuhulma na natin ang mga anak natin na ma­ging maayos ang pananaw tungkol sa maraming bagay.. ang pagiging tapat… ang pagiging masipag… ang pagiging maayos… ang pagiging magalang… ang mamuhay ng mapayapa at pagkakaroon ng takot sa Diyos.

Yung obligasyon kasi natin bilang magulang eh hindi naman natatapos lang sa puro pagmamamahal.

May trabaho ta­yong dapat gampanan para lumaki silang maa­yos, mabantayan ang pag­laki, mapangaralan ng tuwid. Tamang disiplina ang susi sa ikagaga­ling ng ating mga anak.

Sa paglabag ng isang minor sa batas, sinasalamin niya ang bigong pagpapalaki sa kanya ng kanyang mga magulang.

Papasok ang estado para pangatawanan ang tungkuling hindi nagampanan ng maayos ng kanyang mga magulang… marahil dahil sa kapabayaan o kawalan ng panahon. Papasok ang estado para kitlin ang gawaing magi­ging dahilan para maging sakit sila ng ulo ng ating lipunan.

Pasensyahan nalang muna tayo… para sa magulang ng mga batang tulad nito. Bagama’t nararamandaman ko ang lungkot na mawalay kayo sa inyong anak, mas makakabuti na makita nila ang resulta ng kanilang gawaing mali.

Habang maaga pa, habang puwede pa silang baguhin ng mga dalubhas ang inatasan natin para pangaralan at turuan sila.