Una sa Balita

Pascua, Garcia inupuan ang ‘Road to Batumi’

By
0 670

Sapul pa sa kanilang pagkabata ay kapwa pangarap nina International Masters Haridas Pascua at Jan Emmanuel Garcia ang makapag­laro sa World Chess Olympiad.

‘Di tatagal, matutupad na ang kanilang pangarap sa susunod na mga buwan.

Ito’y matapos kapwa makipag-draw sa kanilang huling laban sina Pascua at Garcia para manguna sa Grand Finals ng “Road to Batumi” at sungkitin ang tanging 2 nakatokang upuang makasabak sa ika-43 edisyon ng kada 2 taong torneo umpisa Setyembre 23-Oktubre 6 sa Batumi, Georgia.

Nakihati ang 24-­anyos na si Pascua sa puntos kay GM John Paul Gomez habang ang 22-anyos na si Garcia ay tumabla kay Jeth Romy Morado para selyuhan ang kanilang puwesto sa Batumi kung saan kapwa sila sasabak sa unang tsansa sa torneong kinukonsidera na Olympics of Chess.

“It’s a dream come true for me,” ani Pascua, ang back-to-back natio­nal champion na antay na maabot ang 2500-rating plateau para opisyal na magawaran ng kanyang titulo bilang GM matapos nitong makamit ang ranggo 3 taon na ang nakalilipas.

“I’m looking forward to Batumi,” ani Garcia, na itinalaga sa kasalukuyan bilang in-charge sa chess program ng Ateneo, na isa ring alumnus.

Tumapos sina Pascua at Garcia na draw sa unang puwesto kasalo si FIDE Master Mari Joseph Turqueza, na tinalo si IM Chito Garma, sa tig-walong puntos bawat isa.

Gayunman, sina Pascua at Garcia ang may pinakamataas na tiebreak score na 38.75 at 38.25 kumpara sa 36.25 ni Turqueza upang okupahan ang una at ikalawang puwesto.