Una sa Balita

Pasay jail hinalughog sa iligal na kontrabando

By
0 224

MAKALIPAS ang isang buwan, mu­ling nasorpresa ang mahigit sa 1,000 preso na nakakulong sa Pasay City Jail sa isinagawang ‘Oplan Greyhound Operation’ ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Special Reaction Unit (SRU) at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Pasay City Police kahapon.

Dakong ala-singko nang mada­ling-araw nang halughugin ng mga awtoridad ang 14 na selda na may tatlong palapag ang Pasay City Jail.

Sa 14 na selda ay dito nakakulong ang 1,313 na preso na pawang mga miyembro ng Batang City Jail (BCJ), Sigue-Sigue Sputnik, Bahala Na Gang (BNG) at Commando.

Isa-isa namang pinalabas ng selda ang mga inmate na kung saan pinahubad ang mga damit upang masigurong walang nakalagay na kontrabando sa kanilang mga katawan.

Ayon kay Pasay City Jail Warden Supt. Joe Jay Arejola, nakakumpiska sila ng mga improvised rope, plastic spoon, improvised curtain, hanger, sunglass, matutulis na gamit kagaya ng ballpen, lapis, nail cutter, lighter, pang-ahit, blade, toothbrush, sinturon at glass canister na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng selda.
Bukod pa ditto ay nakakuha din ng ilang mga damit na ginawang tali para sa duyan.

Wala namang nakumpiskang droga sa mga nasabing selda nang isagawa ang nasabing operasyon.

Sinabi ni Arejola, halos kakaupo lamang niya bilang warden ng nasabing piitan kaya’t gagawin niya ang ‘Oplan Linis Piitan’ upang maiwasan na magkaroon ng mga kontrabando sa loob ng selda ng mga preso.